Senator Chiz Escudero Statement

0
182
Contributed Photo
Contributed Photo

Hangga’t maaari ayaw ko sanang magsalita tungkol dito pero nadadamay na ang aking mga anak. Medyo may isip na sila at ayaw kong dumating sa puntong kakantyawan sila ng mga kaklase nila tungkol dito. Nadadamay na rin ang Nanay ko. Kamamatay pa lang ng Tatay ko at parang pinapalabas na hindi ako pinalaki ng maayos at hindi rin akong tinuruan ng magandang asal.

Pilit kong iniintindi at inuunawa ang mga magulang ni Heart pero HINDI NA TAMA ANG GINAGAWA NILA SA AKIN.
Tatay din ako, parent din ako, mahal ko din mga anak ko. PERO HINDI AKO MANDADAMAY, MANANAKIT AT MANINIRA NG KAPWA SA NGALAN NG PAGMAMAHAL SA AKING ANAK. At kung mayroon man akong deperensya kung saka-sakali sa mga anak ko, HINDI KO ITO ISASAPUBLIKO. Hindi ako magpapa-presscon.

Bago nangyari ang lahat ng ito, masaya at maayos at walang problema ang samahan at relasyon at ugnayan namin ni Heart. Mabait siya, matalino, masayahin, masarap kausap. Malaki ang epekto nito sa kanya. Nasasaktan, nalulungkot at hindi natin siguro masisisi ‘pag ganun ang nararamdaman niya.

Tama ang sinabi ng isang kolumnista, mas mayaman ang mga magulang niya kumpara sa akin. Tama din marahil ang sinabi ng magulang niya, hindi ko kayang tustusan ‘yung luho, ‘yung buhay na binibigay nila sa kanilang anak. Pero kung ano man ang meron ako, sapat ‘yun para sa akin. Pero kahit gaano karami siguro ang pera nila, HINDI NAMAN SIGURO LISENSYA ‘YUN PARA MALIITIN SINUMAN O YURAKAN ANG KATAUHAN KO.

Nasasaktan si Heart dito dahil mahal na mahal kasi niya ang mga magulang niya pero nasa edad na si Heart. Walang pwedeng magdikta, manghimasok sinuman kung ano ang gagawin at hindi niya gagawin at kung amo ang sasabihin at hindi niya sasabihin, may sarili na siyang pag-iisip at kaisipan.

Sana kung ano man ang pasya niya, galangin nating lahat, pati ako. Mahal ko siya pero maliwanag naman na matindi itong pinagdadaanan namin. Masakit at sana huwag nang sawsawan pa ng ibang tao dahil may mga taong nasasaktan. Sana hindi gamitin ito dahil panahon ng halalan ngayon, pero maging ganun pa man, maski ako na, HUWAG NA LANG SIYA. Paumanhin kung kailangan kong magpaliwanag pero medyo sobra na rin. Sana tama na, sana kung ano man ang gusot na ito maayos at sana hindi na masyadong madami pang madamay at masaktan sa mga nangyayari. Dalangin ko sana malagpasan itong pagsubok na aming dinadaanan, ng aming samahan. Siguro panahon na lang ang makakapagsabi.

x-x-x-x

Hinihiwalay ko po at ‘di ko pinaghahalo ang trabaho ko sa personal kong buhay at lalong ‘di ko pinapayagan na manghimasok ang personal kong buhay sa aking trabaho. Sapat na siguro na sabihin ko muna ngayon na, bagaman ako’y nadadamay, hangga’t maaari, ayaw kong manghimasok sa hindi pagkaka-unawaan sa pagitan ng isang anak at kanyang mga magulang. Sana din ay ‘di ito panghimasukan ng iba upang sa gayon ay manatili ang puwang na magka-unawaan sila. Maayos at matatag ang samahan namin ni Heart at tinuturing ko lamang ito bilang isang hamon at pagsubok sa relasyon namin kung saan, buo ang pag-asa ko na, ito ay malalampasan namin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.