Academe urged to teach Andres Bonifacio’s works and ideals

0
245
Gat. Andres Bonifacio. Photo courtesy of InterAksyon.com
Gat. Andres Bonifacio. Photo courtesy of InterAksyon.com

By Joey Natividad

NAGA CITY (BicolToday.com/2-Dec-2012) – Kabataan Partylist Representative Raymond Palatino called for the government to include in education the works and ideals of national hero Andres Bonifacio.

He aired his appeal before the celebration on November 30, the 149th birth anniversary. He said he filed in Congress House Bill 4353 last March 8, 2011, but it was still at the committee level.

“Including a course on the life, works and ideals of Andres Bonifacio in the collegiate curricula will strengthen the values of nationalism and patriotism. Lessons on national independence, collective action, civic consciousness and patriotism will be inculcated among the students. These lessons will shape the character needed for personal, community and national development,” Palatino said in the explanatory note of the bill.

Palatino delivered a privilege speech in the plenary on November 26 to encourage a “deeper” commemoration of Bonifacio’s birth anniversary.

Kabataan Partylist Palatino’s speech on Andres Bonifacio in Pilipino:

ANG HINDI MATAPOS-TAPOS NA HIMAGSIKAN NI GAT ANDRES BONIFACIO
Delivered by Kabataan Partylist Representative Raymond Palatino
November 26, 2012

“Dumaan man ang mga dekada, magpalit-palit man ng administrasyon, wala pa ring pagkatapos ang himagsikang inilunsad ni Gat Andres Bonifacio.

Sa darating na Biyernes, ating gugunitain ang ikasandaan at apatnaput-siyam na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Hudyat ito ng pagsisimula ng selebrasyong Bonifacio@150 – isang buong taong pag-alala at pagkilala sa ambag ng dakilang Supremo sa sambayanang Pilipino.

Ngunit kung tutuusin, sa isipan ng maraming Pilipino, lagi’t laging nasa bingit ng pagkalimot si Bonifacio. Oo nga’t nagdiriwang tayo taun-taon ng kanyang kaarawan, na non-working holiday pa nga sa ating bansa. Oo nga’t may bagong pelikulang ukol kay Bonifacio, ngunit bukod doon, ano nga bang alam natin ukol sa kanya?

Sino nga ba siya kundi isa sa dalawang mukha sa sampung pisong barya, o ang lalaking may gulok sa harap ng post office ng Maynila o ‘di kaya’y sa dulo ng LRT? Ano nga ba ang pakahulugan ng apelyidong Bonifacio kundi isa sa mga premyadong pasyalan ng nakatataas sa lipunan? Nitong nakaraang linggo nga lang, may isang grupo ng kabataang nagpinta ng mural ni Bonifacio at ng ilang tanyag na katipunero sa isang footbridge sa Philcoa, ngunit wala pang isang linggo ay agad na itong tinapalan ng iba pang paskil at graffiti.

Ganoon tayo makaalala. Saglit na babati sa kaarawan, ngunit sa kamakalawa, limot na at balik na sa dating gawi.

Lagi’t laging nasa bingit rin ng paglimot ang sambayanang Pilipino sa alaala ng dakilang Supremo. Noong 1910 nga, noong unang balaking ng gobyernong magpatayo ng monumento para sa ama ng Katipunan, mahigpit itong tinutulan ng pahayagang Libertas, at tinawag ang nasabing monumento na “Estatua al Crimen.”

Isang krimen. Sa isang lipunang lipos ng mga suliraning nilabanan ng himagsikang 1898, isang krimen ang maging tulad ni Bonifacio. Isang krimen ang sumigaw at lumaban para sa iyong mga karapatan. Kaya nga’t sa lipunang ito, pilit tinatanggalan ng puwang ang mga gaya ni Bonifacio.

Hindi maikakailang sa tala ng kasaysayan, nagmimistulang footnote si Bonifacio, kabilang ang iba pa nating rebolusyunaryo. Marami sa atin ang nakaaaalam ng buong love story ni Rizal, ngunit kaunti lamang ang nakababatid na batang Tondo si Bonifacio, o na sa ilalim ng punong alibangbang nahukay ang kanyang labi.

Kaunti lamang ang alam natin sa tinaguriang Ama ng Demokrasya at Himagsikan, sapagkat sa kasalukuyang lipunan kung saan umiiral ang parehong sistemang nilabanan at pinag-alayan ng dugo ng mga katipunero, mas makabubuting limutin ang mga radikal na gaya ni Gat Andres.

Ngunit, lagi’t lagi, nanunumbalik ang mga alaala. Sapagkat hindi namamatay ang mga memoryang pilit binubura. Lalo lamang itong lumilitaw at tumitingkad.

At sa pag-alala natin kay Gat Andres Bonifacio, nararapat tayong umigpaw sa nakagawian nating porma ng pag-alala. Higit sa pagpaskin ng mgatarpaulin ng mukha ni Bonifacio, higit sa sandaling pag-alala kung bakit walang pasok kapag ika-tatlumpu ng Nobyembre, nararapat nating isabuhay ang mga pamanang aral ng dakilang Supremo.

Ano nga ba ang mga iniwang aral ni Gat Andres?

Una, minulat ni Bonifacio ang sambayanang Pilipino sa kahalagahan ng kolektibong pagkilos. Itinatangi natin si Rizal, sapagkat ang mga sulatin niyang tulad ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay nagmulat sa ating mga ninuno sa kabulukan at mapaniil na pamamahala ng mga Kastila. Ngunit kung tutuusin, marami rin namang naisulat si Bonifacio, gaya ng “Dekalogo” na siyang gabay ng Katipunan, at ang tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.”

Ngunit higit sa panulat, hinimok niya ang sambayanang Pilipino na mag-alsa, na maghimagsik. Ito ang sabi ni Gat Andres sa kanyang tanyag na sanaysay na “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog”:

“Itinuturo sa atin ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ang naghaharing kasamaan sa ating bayan.”

Higit sa pagmulat, tinuruan tayo ng dakilang Supremo na kumilos. At ang aral na ito ay nananatiling makabuluhan hanggang sa ngayon. Sapagkat hindi lamang mga Kastila ang nais labanan ng himagsikang 1898, kundi ang laganap na kagutuman, kahirapan, pang-aapi, at paglabag sa karapatang pantao. Alam nating hanggang ngayon, ito pa rin ang mga suliraning ating kinahaharap, at ang payo sa atin ni Gat Andres ay kumilos.

Pangalawa, tinuruan tayo ni Bonifacio kung ano ang pakahulugan ng pagiging makabayan. Sa panahong ipinagpapalagay na ang pagiging makabayan ay kasimbabaw na ng pagsusuot ng T-shirt na may tatak ng bandila ng Pilipinas, ipinaaalala sa atin ni Bonifacio na ang nasyunalismo ay higit pa roon. Itinuro sa atin ni Bonifacio na ang nasyunalismo ay ang aktibong paglaban sa anumang uri ng pang-aapi at pananakop.

Kung buhay si Bonifacio ngayon, sa tingin n’yo po ba ay hahayaan na lang niyang manatili sa Pilipinas ang mga tropang ‘Kano, na walang pakundangang nagtatapon ng toxic waste sa ating mga baybayin? Kung buhay si Bonifacio, hahayaan na lamang ba niyang pumasok ang Pilipinas sa mga ‘di-pantay na tratado at kasunduan na nagbubukas sa ating ekonomiya sa dikta ng pandaigdigang merkado?

Sa palagay ko po, alam n’yong hindi ang sagot sa mga tanong na iyan. Tinuruan tayo ni Bonifacio na higit sa panunumpa sa watawat, ang nasyunalismo ay ang aktibong pagtatanggol sa ating soberanya. Kung buhay si Bonifacio, alam ko, alam nating magiging kapanalig siya sa panawagan ng mamamayan para sa tunay na reporma sa lupa, sa pambansang industriyalisasyon, at sa reoryentasyon ng pamahalaan mula sa pagiging negosyo tungo sa pagbibigay ng serbisyo.

Ito ang tatak ng nasyunalismo na nais nating sundan at isabuhay ng kabataan. Nasyunalismong higit pa sa bukambibig – ang pagiging makabayan na nangangailangan ng aksyon.

Kaya nga’t mahigpit na panawagan ng representasyong ito na ipasa ng Kamara ang House Bill 4353, na naglalayong ituro sa kolehiyo ang buhay, gawa at mga aral ni Gat Andres Bonifacio. Ihinain ng kinatawang ito ang nasabing panukala noon pang Marso ng taong 2011, at hanggang ngayon, hindi pa ito napag-uusapan sa antas komite.

Gayon din, hinihikayat ang pamahalaan na sariwain ang alaala ni Bonifacio, at muling maglunsad ng mga pag-aaral hinggil sa kanyang kontribusyon sa rebolusyong 1898, at sa kanyang pamana sa sambayanang Pilipino. Nawa’y sa pagdiriwang ng ika-sandaan at limampung kaarawan ni Bonifacio, mas lalo pa nating makilala ang bayaning ito ng masang anakpawis.

Higit sa lahat, panawagan rin sa kabataan na isabuhay ang mga aral ni Bonifacio, na patuloy na makialam at makisangkot sa mga isyu sa lipunan. Alalahanin natin kung anong kayang gawin ng sama-samang pagkilos, at huwag nating hayaang malunod ang ating ideyalismo sa alon ng naghaharing sistema.

Nakalulungkot mang isiping “kamag-anak, kaklase, at kabarilan” na ang pakahulugan ng kasalukuyang rehimen sa KKK, sa darating na halalang 2013, hamon sa atin ni Gat Andres na maging mapanuri at aktibong makisangkot sa pagbabago ng ganitong sitwasyon.

Higit sa pagpili ng susunod na mga lider ng bansa, ipinapaalala sa atin ni Bonifacio na ang masang anakpawis, at hindi ang mga nakaluklok sa puwesto, ang nararapat na humubog sa kasaysayan. Ipinaaalala sa atin ni Bonifacio na ang masa ang tunay na bayani.

Kailanman, hindi malalaos ang mga aral na iniwan ni Bonifacio. Higit sa pag-alala, ipagpatuloy natin ang himagsikang kanyang isinulong at hanggang ngayo’y hindi pa rin napagwawagian. Isang himagsikan para sa isang Pilipinas na tunay na malaya sa dikta ng mga dayuhan. Isang himagsikan laban sa korupsyon, kagutuman, at kahirapan.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.