Regional transport strike kasado na, kartel sa langis tinutulan

0
137
Condor-Piston-Bicol President Eduardo Ferreras habang kapanayam ni ABS-CBN correspondent Jose Carretero sa nakatakdang regional transport strike sa Bicol. Kontribusyong Larawan
Condor-Piston-Bicol President Eduardo Ferreras habang kapanayam ni ABS-CBN correspondent Jose Carretero sa nakatakdang regional transport strike sa Bicol. Kontribusyong Larawan

Pagsasabansa ng industriya sa langis isinusulong

LEGAZPI CITY (BicolToday.com/9-March-12) – Inihayag ng Concerned Drivers and Operators for Reform-Pagkakaisa ng Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (CONDOR-PISTON-BICOL) ang malawakang tigil pasada o ‘transport strike’ sa buong Kabikulan sa Sabado, Marso 10, 2012 na magsisimula ganap na 12:01 ng umaga hanggang 12:00 ng hatinggabi.

Ayon kay  Noli Terrado, Secretary General  ng CONDOR-PISTON Bicol  layon ng transport strike upang labanan ang overpricing sa langis, pagbasura sa Oil Deregulation Law, ang pagtanggal sa 12% na EVAT sa langis at ang pagbuwag sa mopolyo at kartel sa langis.

Sinabi ni Terrado na sa  pagsisimula ng taong 2012, humarurot agad pataas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Simula ika-3 ng Enero, ay siyam (9) na beses na itong tumaas at umabot na sa P2.15 ang itinaas ng krudo at P3.60  naman sa gasolina.

Aniya, “kung ating papansinin, ang P47.10  na presyo ng diesel at P59.50 sa gasolina ngayon, ay  halos hindi  nalalayo sa presyo noong Abril 2011 na umabot sa P48.00/litro at P60.00/litro, at lalong di-hamak na malayong-malayo ito kung ikukumpara sa P34.25/litrong presyuhan noong 2010 sa pagsisimula ng Administrasyon ni PNoy. Kasabay syempre nito ang pagharurot din ng presyo ng LPG na nasa P800.00 na ang bentahan”.

Dinagdag pa ni Terrado na katulad ng dati, walang ibang idinadahilan ang “Big 3” at maging ang Department of Energy at ang Malacanang, kundi ang nagpapatuloy na sigalot sa gitnang silangan na nagiging sanhi ng pagtaas di-umano ng presyo sa pandaigdigang pamilihan. At katulad din ng dati, pilit na ipinagtatanggol ng Palasyo ang “oil deregulation law”, habang patuloy ang malaking koleksyon nito sa 12% VAT sa langis.

Totoo bang nalulugi ang “Big 3”?

At bakit hindi magawa ng Malacanang na ipasilip ang mga “libro de kwenta” ng mga dayuhang korporasyong ito? Noong nakaraang taong 2011, umabot sa $136.8B ang kinamal na tubo ng 5 pinakamalalaking kompanya ng langis sa daigdig  o 32% tantos na pagtaas mula sa taong 2010  sa pagbenta ng mga  ng produktong petrolyo sa buong daigdig.

Kompanya ng Langis Tubo ($)
Exxon mobil 41.1
Royal Dutch Shell 28.6
Chevron Texaco 26.9
British Petroleum 23.9
Total Petroleum 16.3

Kung sabagay ang dapat sigurong tanong ay “kaya kayang paimbestigahan ni PNoy ang kanyang tiyuhin na si Danding Cojuangco?”, na siya ngayong nagmamay-ari ng Petron?

Ang mga isyung ito ay patuloy na nagpapasakit hindi lamang sa mga tsuper at operators kundi maging sa buong sambayanan. Mula noon hanggang ngayon, ang pandarambong na ito ng Big 3 ay patuloy na binibigyang matwid ng Malacanang at ng mga alipures nito.

Magkagayunpaman, nananatiling matatag ang pusisyon ng mga tsuper at operators, kasama ang buong sambayanan, na labanan ang mga kontra-mamamayang batas at patakarang ito ng pamahalaang PNoy. Sa nagbabantang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ngayong darating na mga linggo, sasagutin ito ng mga welgang pan-transportasyon.

Ito ang tanging sandata ng mamamayan upang ipagtanggol ang kanilang lehitimong interes na magtamasa ng masaganang pamumuhay, pagtatapos ni Terrado.  BicolToday.com

Copyright 2012 BicolToday.com. All rights reserved.  Read BicolToday.com Syndication Policy.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.