Mayor Ong tutol sa plantang Geothermal sa Irosin

0
80
Si Mayor Eduardo Ong ng Irosin, Sorsogon. Kontribusyong larawan
Si Mayor Eduardo Ong ng Irosin, Sorsogon. Kontribusyong larawan

IROSIN, Sorsogon (BicolToday.com/30 Nov. 2011) – Tuluyan nang winakasan ni Mayor Eduardo Ong ang agam-agam ng mamamayan ng Irosin at mga environmental groups na siya’y umano’y pabor sa proyektong Geothermal sa kanyang bayan.

Ito’y matapos na lumagda sa isang kasunduan sa pagitan ng Alyansa Laban sa Abuso sa Bulusan (ALABB) at nangangakong lalabanan ang pagtatayo ng plantang Geothermal at ang anumang tipo ng pag-abuso sa Bulkang Bulusan.

Umaga ng ika-29 ng Nobyembre, nag martsa ang daan-daang Irosinian upang tutulan ang ekplorasyon at patatayo ng plantang Geothermal sa kanilang lugar.

“Hindi kami papayag na lapastanganin ng mga lokal at dayuhan kapitalista ang aming bayan na sirain ang mga kabundukan”, ayon kay Marco Polo, tagapagsalita ng ALABB.

Mahigpit ding tinutulan ng simbahan ang naturang proyekto kung saan magdudulot lamang ito ng diskolasyon at epekto sa kabuhayan ng mga magsasaka at mamamayan sa mga lugar na pagtatayuan ng planta.

Samantala, nakatakda ring magsagawa ng committee hearing ang committee of the whole ng Sangguniang Panlalawigan ng Sorsogon sa darating ng ika-6 ng Disyembre 2011, alas dos ng hapon (2pm) sa SP session hall.

Ayon kay Board Member Angel Escandor, ang hearing ay isang inquiry lamang upang malaman kung ano itong proyekto ng Department of Energy (DEO) at ng Summa Kumagai Industries (SKI) sa lalawigan ng Sorsogon.

Nais nila marinig ang tinig ng mga resource person mula sa naturang ahensiya at kumpanya, ayon pa sa opisyal.

Kasama rin sa inimbitahang magsalita ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Volcanology and Seismology (PhilVolcs) upang magbigay linaw hinggil sa mga isyung ipinupukol ng ibat-ibang environmental groups. BicolToday.com

Copyright 2011 BicolToday.com. All rights reserved.  Read BicolToday.com Syndication Policy.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.