Kagawad Ruel Barlin ‘Traydor’ – ALMMA

0
175
Tinawag na Hudas Escariote ng bagong panahon si Kagawad Ruel Barlin ng Matnog, Sorsogon. Photo By BicolToday.com
Tinawag na Hudas Escariote ng makabagong panahon si Kagawad Ruel Barlin ng Matnog, Sorsogon. Photo By BicolToday.com

By BicolToday.com Staff

MATNOG, Sorsogon – Tinawag na traydor, kapit-tuko sa pera at kapangyarihan si Kagawad Ruel Barlin ng Alyansa Laban sa Mina sa Matnog (ALMMA).

Ayon sa anti-mining group sa kabila ng malawak at masigasig na kampanya kontra-mina ng mamamayan, ilan sa miyembro ng Sangguniang Bayan ng Matnog ay walang kahihiyang tunmalikod sa kapakanan ng mga Matnogueno dahil sa pangunguyapapa nila sa kumpanya ng minahan at pagiging katuwang ni Gobernador Raul Lee sa pagpapahintulot sa iligal na operasyon ng minahan sa Balocawe.

Sinabi pa ng ALMMA na walang maaasahang tulong ang mamamayang Matnogueno sa mga traydor na ito kahit pa inihalal at nanumpa ng tunay na paglilingkod at pagtataguyod sa interes ng buong mamamayan ng Matnog.

“Wala ring maibibigay na kaseguruhan sa kabuhayan at kalikasan ang pagmiminang ito. Kahit ang sinasabing pag-unlad ng Matnog ay mahirap paniwalaaan dahil alam ng lahat na ang tanging nakikinabang dito ay mga dayuhan at lokal na negosyante, iilang taong gubyernong lokal at nasyunal. Kahit tingnan ang kalagayan ng mga lugar na pagmiminahan o may operasyon minahan, hindi makikita ang sinasabi at ipinangakong pag-unlad. Sa totoo lang pinsala ang nararanasan ng mamamayan dahil sa pagkasira ng kalikasan particular ang pagkalason ng mga bukal, ilog, dagat at kabundukan”, pahayag pa ng ALMMA.

Tinawag na isang traydor si Kagawad Barlin ng anti-mining group sa pangunguyapapa sa kumpanya ng minahan at pagiging katuwang ni Gobernador Raul Lee sa pagpapahintulot sa iligal na operasyon ng minahan sa Balocawe. Photo by BicolToday.com

Dinagdag pa nito na sa ngayon ay may mga nairehistrong lugar na apektado na ang tubig inumin. Ang tubig sa mga ilog ng Manjumlad, Balocawe, Sulangan ay nagkukulay kalawang na lalo na kung umuulan at napakatagal bago ito bumalik sa orihinal na linaw. May mga karanasan na rin ng pangangati ng balat at pagkakaroon ng buni dahil sa paggamit ng tubig sa ilog sa Manjumlad at Balocawe.

Isinalaysay pa ng ALMMA na bukod sa mga masasamang epektong nabanggit, ang pagmimina sa Balocawe ay labag sa batas. Una, walang awtoridad ang gobernador na magbigay ng permit sa pagmimina kahit pa nga ito’y small-scale mining (RA 7076 at RA 7942). Pangalawa, prayoridad sa small-scale mining ang pagbibigay lisensya sa mga mamamayang naninirahan mismo sa lugar na pagmiminahan. Ang lisensyang ito ay galing sa DENR na tinatawag na small-scale miner’s license. Pangatlo, hindi permit ang ibinibigay sa mga small scale-miner kundi small-scale mining contract na ibinibigay naman ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) sa kalagayang ang pagmiminahan ay sakop ng probinsya. Pang-apat, dapat mayroong mayor’s permit ang operasyon ng pagmimina, ngunit ang pagmimina sa Balocawe ay nakakapag-operate kahit walang mayor’s permit. Panghuli, hindi small-scale mining ang pagmimina sa Matnog dahil gumagamit ito ng mga heavy equipment tulad ng backhoe, grader, breaker at dump truck. Kung small-scale mining dapat ito dapat mano-mano ang trabaho at ang kagamitan ay piko, pala at iba pang manual equipmnent.

Ibig sabihin nito, may mga paglabag sa Small Scale Mining Act (RA 7076A) ang ANTONES Enterprises, GLOBAL Summit Mines Development Corporation at TR Ore, pagtatapos ng ALMMA. BicolToday.com

Copyright 2011 BicolToday.com. All rights reserved.  Read BicolToday.com Syndication Policy.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.