Harassment ng militar sa mga sibilyan sa Sorsogon patuloy

0
145
Cause oriented groups in Bicol commemorates the 62nd year of International Human Rights day. Photo by BicolToday.com
Cause oriented groups in Bicol commemorates the 62nd year of International Human Rights day. Photo by BicolToday.com

SORSOGON CITY –  Patuloy pa rin ang pananalasa ng militar sa paglabag sa karapatang pantao sa mga sibilyan sa lalawigan ng Sorsogon.

Sa report ng human rights group KARAPATAN mas lalong tumaas ang bilang ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa lalawigan mula ng umupo si Pangulong Aquino.

Sa inilabas na datos ng KARAPATAN, ang pinakahuling biktima ng panununtok ng militar ang magsasakang si Francisco Groyon ng Barangay Calmayon, Juban, Sorsogon.  Ika-3 ng Setyembre 2011bandang alas diyes ng umaga (10:00 am) ay inabutan ng biktima ang hindi mabilang na tropa ng militar sa kanyang bahay. Pinagtatanong si Francisco ng kung ano-ano, inaakusahang supporter ng mga rebelde at nang hindi makuntento ang mga militar sa mga sagot nito ay bigla itong sinuntok ng malakas sa tagiliran.

Ayon kay Groyon, tatlong araw niyang dinamdam ang sakit ng panununtok ng militar.

Batay din sa ulat, walang tigil ang mga operasyong militar sa mga barangay sa bayan ng Juban na nagdudulot ng takot sa mga sibilyan. Nakakaranas din ng matinding militarisasyon ang mga bayan ng Barcelona, Casiguran at Gubat.

Agosto 28, 2011 – Si Henry Hapa, residente ng Barangay Lourdes, Barcelona, isang magsasaka ay pinalo sa leeg ng militar dahil sa pagtanggi nito sa ipinapagawa na umupo sa isang bato upang kunan ng litrato katabi ng mga nakahanay na mahahabang baril.

Sa pahayag ni Hapa, tumanggi siya dahil maari siyang akusahan ng militar na NPA at maaring gamitin ang litrato laban sa kanya.

Sinabi pa ng biktima na habang papaalis na ang mga militar ay pinagtataga hanggang matumba ang mga saging na madadaanan ng mga ito. Nang sinita ng mga residente ang militar kung bakit nila pinagtataga at pinutol ang mga pananim  ay sinabi ng mga ito na ‘trip’ lang nila.

Hulyo 26, 2011. Nakaranas rin ng pananampal ng mga militar si Rey Padua ng Barangay Sta. Cruz, Casiguran. Ipinatawag ito ng militar na pumunta sa barangay hall, pagdating ng biktima ay tinanong ng kanyang pangalan at pakasabi nito ay biglang sinampal sa mukha ng isang Estrada na diumano’y, CO ng 49th  IB na nakabase sa naturang barangay.

Ayon pa sa human rights group na ilan lamang ito sa talaan ng mga biktima ng pang-aabuso ng militar sa iba’t-ibang barangay sa lalawigan ng Sorsogon.  Sinasalanta ngayon ang mga sibilyan ng programang Oplan Bayanihan ng kasalukuyang administrasyon kung saan nagdudulot ito ng malawakang pang-aabuso ng mga militar sa batayang karapatan ng mamamayan. Gamit nito ang ‘peace and development’ at iba’t-ibang programa upang linlangin ang mamamayan na nagdudulot lamang ng pinsala sa ordinaryong sibilyan. BicolToday.com

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.