Unified Transport Strike tuloy, diyalogo na pinatawag ni PNoy insincere – Piston

0
44
(Mula sa kanan) Si Piston Secretary General Jorge San Mateo habang kapanayam ni Elmer Jarabejo ng dzMS Sorsogon hinggil sa isyu ng mga tsuper sa Bicol region. Photo by BicolToday.com
(Mula sa kanan) Si Piston Secretary General Jorge San Mateo habang kapanayam ni Elmer Jarabejo ng dzMS Sorsogon hinggil sa isyu ng mga tsuper sa Bicol region. Photo by BicolToday.com

Diyalogo na pinatawag ni PNoy sa transport groups sa September 14, tinawag ng PISTON na insincere, inconsistent at merong bad faith. Panggagapang ito ng Malacanang upang linlangin, bolahin at hatiin ang transport sector sa layuning pigilan ang Unified Transport Strike

Sinabi ng militanteng transport group PISTON na ginagapang na ng Malacanang ang transport sector upang hatiin ang pagkakaisa ng transport sector at pigilin ang nakaambang Unified Transport Strike na ikinakasa ng malalaking grupo gaya ng PISTON, ACTO, Pasang Masda, LTOP at iba pang transport groups kaya biglaang nagpapatawag ng kagyat na diyalogo si Pangulong Aquino sa mga malalaking transport groups.

Ayon kay George San Mateo, Secretary General ng PISTON, nakatanggap siya kahapon ng text invitation mula kay Department of Energy (DoE) Oil Management Bureau Director Zenaida Monzada na nagsasaad na iniimbitahan ni Pangulong Aquino sa isang diyalogo sa Setyembre 14 (Miyerkules) 2:00 pm sa Malacanang ang PISTON at iba pang transport groups gaya ng ACTO, Pasang Masda, LTOP at iba pa na nauna nang nagpahayag ng pagkakasa ng isang Unified Big time Transport Strike. Ang DOE ang nag-aayos ng biglaang diyalogo na hinihingi ni Pangulong Aquino sa transport sector.

Subalit naniniwala si San Mateo na mas mainam na panindigan ang napagkaisahan sa All Transport Alliance Meeting noong Setyembre 9, 2011 na makikipagdiyalogo lang ang transport sector kay Pangulong Aquino PAGKATAPOS MAISAGAWA ang Unified Transport Strike. Ito ay para maipakita kay Pnoy at sa BIG 3 ang lawak at lalim ng protesta at diskuntento ng mga driver nang sa gayon ay matiyak na seseryosohin ng Malacanang ang pakikipagharap sa kahilingan ng transport sector partikular ang panawagang Big time P9 rollback, pagpapa-imbestiga ng Overpricing sa Kongresso kasama ang BIR, Bureau of Customs, NEDA at Commission on Audit (COA), pagbasura sa Oil Deregulation Law at VAT sa langis at Toll Fees.

Ang nasa itaas aniya ang napagkaisahan ng Transport Sector Alliance noong nakaraang linggo matapos madismaya ang malalaking grupo sa transportasyon gaya ng PISTON, Pasang Masda, ACTO at LTOP dulot ng sinasadyang pagpapakainutil ng administrasyong Aquino partikular ang DOE sa P9 pesos overpricing sa langis at ang kawalang-aksyon ng Palasyo na imbestigahan ang overpricing at isagawa ang pagkontrol sa pagtatakda ng presyo. Ikinagagalit din ng mga driver ang pagtanggi ni Pnoy na ibasura ang Oil Deregulation Law at 12% VAT sa langis (Na hindi isinama ni Pnoy sa kanyang priority 13 legislative agenda na isinumite ng kanyang administrasyon sa Kongresso).

Partikular na inaakusahan ng PISTON ang administrasyong Aquino na nakikipagsabwatan sa Big 3 Oil Cartel dahil kumikita ang administrasyon ng malaki dahil habang tumataas ang presyo ng langis ay lumolobo din ang 12% VAT collections ng gobyerno sa kabila ng naghihirap na kalagayan ng mga drivers at mamamayan. Bukod pa dyan ang pagiging majority owner ni Danding Cojuangco (tiyuhin ni Pangulong Aquino) sa Petron Corporation.

Itinakda ng naturang Transport Sector Alliance Meeting ang pagpapatawag ng press conference anumang araw ngayong Setyembre upang ihayag sa media at publiko ang petsa ng Unified Transport Strike.

Sinabi pa ni San Mateo na hindi sila masisisi ng administrasyong Aquino na pagdudahan ang pakanang biglaang diyalogo. Ayon kay San Mateo, nauna nang sinabi ng Palasyo sa media sa pamamagitan ni Presidential Deputy Spokesperson Usec. Abigail Valte noong Agosto 31 na hindi makikipagdiyalogo ang Malacanang sa mga transport groups at iniiwan na nila sa Dept of Energy (DOE) ang pakikipag-usap sa mga transport groups. Eto ang naging pahayag ng Palasyo matapos ang Nationwide Transport and People’s Protest noong Agosto 31 na isinagawa ng PISTON, KMU at BAYAN. Partikular na nagkasa ang PISTON nung August 31 ng transport strike sa Bicol at Southern Tagalog at nagsagawa naman ng protest caravan sa tanggapan ng Shell sa Makati nung araw na iyon.

Binanggit din ni San Mateo ang pahayag sa media ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda noong Setyembre 8 na walang magagawa ang Palasyo sa oil price hikes dahil itinatakda daw umano ito ng world market. Eto ang naging reaksyon ng Palasyo sa reklamo ng mga drivers at mamamayan matapos i-anunsyo ng Big 3 na dalawang beses na silang magpapatupad ng oil price hike sa loob ng isang linggo.

“Dahil dito hindi namin maisip kung ano pa ang pwedeng pag-usapan sa pagitan ni Pang. Aquino at Transport sector gayong nanuna nang sinabi na ng Palasyo na wala itong magagawa sa oil price hikes at overpricing. Pero batay sa nauulat sa media, kung pangakong dagdag sa pasahe at pagpapalawig lang ng palpak na pantawid-pasada ang ipapangako ni Pangulong Aquino sa transport sector ay hindi na ito kakagatin ng mga driver dahil alam ng mga tsuper ang kapalpakan ng pantawid-pasada (na wala pa din load hanggang ngayon) at lalong alam ng mga tsuper na hindi din nila mapapakinabanagan ang anumang dagdag-pasahe kung wala namang pag-awat ang gobyerno sa overpricing at oil price hikes,” paliwanag pa ni San Mateo.

“Kaya tiyak na mabibigo ang gobyernong Aquino na pigilan ang nakaambang transport strike sa pamamagitan ng ikinakasa nitong diyalogo upang mangako ng dagdag-pasahe at pagpapalawig ng palpak na pantawid-pasada na hanggang ngayon ay di maipaliwanag ng DOE kung ilan na ang nabigyan ng card at kung ilan ba ang may aktwal na laman na pondo,” pagdidiin pa ni San Mateo.

“Gaya ng mga nagdaang gobyerno na nakipagsabwatan din sa Big 3 Oil Cartel, , kapag kami ay nakapagpahayag na ng kahandaang magwelga ay ginagapang lagi ng administrasyon ang transport sector. Ipapangako nila lahat pati langit mapigil lamang ang pagsasagawa ng welga. Pagkatapos mapigil ang welga ay makakalimutan na at mapapako na lahat ang kanilang ipinangako. Leksyon na ito sa ilang mga kasama natin sa transport sector na direktang nakaranas sa mapanlinlang na pakana at maniobra ng mga nagdaang gobyerno para pigilan lang ang mga welga. Dahil hindi makakapayag ang PISTON na masira ang pagkakaisa ng transport sector at lalong hindi papayag ang PISTON na muling linlangin ng gobyerno ang mga drivers at mamamayan,” saad pa ni San Mateo.

Tinitiyak ni San Mateo na tuloy-na-tuloy ang nakaambang transport strike sa kabila ng panggagapang ng Malacanang upang hatiin at linlangin ang transport sector sa pamamagitan ng kinasa nitong diyalogo sa layuning mangako na mapapako para lang pigilan ang nakaambang welga. “Buo ang determinasyon ng mga tsuper sa metro manila at iba pang rehiyon na isagawa ang welga kakapit-bisig ang mga mamamayan– lahat ng consumers, commuters at maging mga pribadong motorista. Itong Unified Transport Strike dumaan sa masusing pagkakaisa, pagpoproseso at paghahanda. Hindi ito mapipigil ng isang mapanlinlang na diyalogo na puro mapapakong pangako ang sasabihin. Kaya tuloy ang Laban! Tuloy ang Welga!” pagtatapos ni San Mateo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.