EDUKASYON: Karapatan o Pribilehiyo?

3
736
Grade school pupils of Bitan-o Elementary School, Sorsogon City. BICOLTODAY.COM PHOTO
Mag-aaral ng Bitan-o Elementary School, Sorsogon City. Photo by BICOLTODAY.com

By BICOLTODAY.com Staff

Hindi kaila na malaki ang kaibahan ng edukasyon ng mahirap at mayaman sa panahong ito. Sa pag-usbong ng komersyalisasyon sa sistema ng edukasyon sa bansa ay mas lalong bumaba ang kalidad nito. Iilan na lamang ang nakakapagtapos ng kolehiyo.

Kanino nga ba obligasyon ito. Sa estado o sa mga magulang?

Malaking usapin ito lalo na’t malaki ang pondong kailangan ng gobyerno para sa edukasyon. Ayon sa saligang batas dapat na inilalaan ang pinakamalaking badyet sa edukasyon, subalit ang nangyayari ay mas nabibigyang ng napakalaking pondo ang pambayad utang o ‘debt servicing’ at sandatahang lakas ng pilipinas. Kung kayat mas nailalagay sa balikat ng mga magulang ang dapat sana gawain ng gobyerno.

Matinding problema ang kakaharapin ng mga magulang at mga kabataan kung hindi bibigyang pansin ng pamahalaan ang napakalaking problema sa edukasyon. Nagiging pribilehiyo na lamang sa ngayon sa halip na karapatan ang edukasyon, sapagkat hindi ginagawa ng gobyerno ang obligasyon nito sa mamamayan.

Bakal at Bote

Ang magkakapatid na Cordero-Fajardo mula sa pamilya ng magbobote. Photo by BICOLTODAY.com

Ang mag-asawang Franklin Fajardo at Gloria Cordero ng Bitan-o, West District, Sorsogon City ay isa lamang sa pamilyang nasa ‘below poverty line’ o ‘poorest of the poor’

Inabutan namin ang panganay na anak ng mag-asawa na si Erika na kalong ang bunsong kapatid, samantala ang ina naman nito ay nilulugaw ang tirang kanin para sa kanilang almusal.

Nagkukumpol ang buong pamilya sa isang maliit na kubo na tinabingan lamang ng pinadugtong-dugtong na sako at nipa. Walang palikuran o ‘comfort room, may maliit na lutuan sa kahoy, ilang pirasong kagamitan sa kusina at walang maayos na tulugan.

Pangangalakal lamang ng mga bote, dyaryo at bakal ang ikinabubuhay ng pamilya. Ayon kay Aling Gloria humigit kumulang sa isandaang piso ang kinikita nila sa isang araw, kulang pa sa pagkain at iba pang gastusin sa kanilang sampung anak.

Subali’t ang malungkot nito si Erika ay naka-enrol na sa grade 5, ngunit hindi pumasok sa unang araw ng klase gawa ng walang pang uniform at gamit sa eskwela. At ang kapatid nitong si Christina na papasok na sana sa unang baytang ay hindi pa nakakapag-enrol.

Sa salaysay ni Aling Gloria, hindi niya magawang maipasok sa eskwela gawa ng kakapusan ng badget. Hindi rin sapat ang tulong na ibinibigay ng lokal na pamahalaan para sa pagpapa-aral ng kanilang mga anak. Mas pangunahin nila na maibili ng bigas at ulam ang kanilang kakarampot na kinikita.

Batang lansangan

Isa lamang ang Bitan-o sa pinakamahirap na barangay sa lungsod ng Sorsogon.

Sa panayam kay Ginoong Christian de los Angeles, principal ng Bitan-o Elementary School naging malaking hamon sa kanila ang suliraning kinakaharap nila sa barangay. Una rito ang kahirapan, umaasa lamang ang karamihan sa pangingisda. Ang mga kabataan naman ay natutung mamalimos sa mga lansangan, ang iba naman ay napipilitang magtinda o kaya sumama sa mga magulang sa pangingisda at pangangalakal ng bote.

Naging dagok din sa mga residente ang naging ang isyu ng red tide sa Sorsogon Bay na nagdulot ng kawalang kabuhayan at dislokasyon. Hindi rin naging sustenable ang tulong na ibinibigay ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Ginoong de los Angeles, halos 35 kabataang mamalimos o ‘street children’  ang natulugan nilang maibalik sa paaralan.  Malaki rin ang naging tulong ng mga bagong tayong school building sa kanilang paaralan. Ngunit hindi pa rin sapat ito kung kulang naman ang mga guro.

Hindi rin sapat ang kanilang Maintenance and Other Operational Expenses (MOOE) Fund upang tustusan ang mga pangangailang sa paaralan, dagdag pa ni de los Angeles.

400 square meters school compound

Open Air Class: Taliwas sa pahayag ni Sorsogon City Schools Division Superintendent Dr. Virgilio Real na wala silang gaanong problema sa ratio ng school buildings vis-à-vis pupil enrollment dahil sapat naman ang mga classrooms sa syudad ng Sorsogon para sa mga mag-aaral ngayong taon. Ngunit ang larawang ito ay patunay na walang mapasukan ang mga mag-aaaral ng Melencio J. Larosa Elementary School sa Barangay Sampaloc na nasa isang garahe lamang. Photo by BICOLTODAY.com

Humigit sa tatlong daan mag-aaral ang nagsisikan sa 5 silid-aralan na nakatayo sa 40o metriko kwadradong lupa sa barangay Sampaloc, West District lungsod ng Sorsogon.

Nahahati rin sa dalawang seksiyon ang isang silid aralan upang mapagkasya ang isandaang (100) mag-aaral, samantala ang isang class section ay nasa isang garahe ng bahay.

Dagdag pa rito ang kakulangan ng bentilasyon ng mga silid-aralan dahilan sa napapaligiran ito matataas na nitso ng Sorsogon Catholic Cemetery at pader ng katabing residential houses.

“Malaking problema din namin ang kalusugan ng mga mag-aaral kung saan batay sa pagsusuri na Department of Social Welfare and Development (DSWD) karamihan sa mga ito ay malnourished”, ayon kay Ginang Shiela Topolar, principal ng Melencio J. Larosa Elementary School.

Ayon pa kay Ginang Topolar, halos 85 hanggang 90 porsyento na kanilang mag-aaral ay mula sa pinakamahirap na pamilya.

Ito rin ay sanhi ng malaking bilang ng mga drop-out sa kanilang paaralan, na  napipilitang maghanap buhay sa murang edad ang mga kabataan dala ng matinding kahirapan. Pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay ng mga naninirahan sa barangay Sampaloc.

Natitiyaga ang mga mag-aaral ng Melencio J. Larosa Elementary School sa mainit at masikap na garahe na ginawang classroom. Photo by BICOLTODAY.com

Sinabi pa ni Ginang Topolar na kamarihan sa kanilang mga mag-aaral ay wala pang mga kagamitan gaya ng notebook, papel at lapis. Umaapela din ito ng tulong para sa kanilang mga mag-aaral.

Sa ganitong kalagayan ang edukasyon sa bansa, malaking hamon para sa mga guro ang pagiging matatag sa kabila ng kanilang kakarampot na sweldo, kakulangan sa teksbok at classroom.

Bulag at pipi pa rin ang mga halal ng bayan. Walang pakundangang korapsyon at pandarambong sa bayan. Wala ring kongkretong programa para maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.BICOLTODAY.com

 

3 COMMENTS

  1. I really liked reading your post!. Quallity content. With such a valuable blog i believe you deserve to be ranking even higher in the search engines 🙂

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.