Pamilya ng aktibista sa Sorsogon hinaras ng militar

1
53
Captain Edgar Obenieta, Civil Military Officer 49th IB based in Rangas, Juban, Sorsogon. Contributed Photo
Maj. Edgar Obenieta, Civil Military Officer 49th IB based in Rangas, Juban, Sorsogon. Contributed Photo

SORSOGON CITY  (May 27) – Pinasinugalingan ng human rights group KARAPATAN ang mga naging pahayag nina Major Edgar Obenieta at Sergeant Salvador Babor ng 49th Infantry Battalion ng Philippine Army sa kanilang programa sa radio station dzMS nitong Miyerkules hinggil sa nangyaring harassment ng mga tauhan nila sa pamilya nina Katrine Jane at Florence Mendoza noong Mayo 17 sa Barangay Trece Martirez, Casiguran.

Sa pahayag sa midya sinabi ng KARAPATAN, hindi dapat linlangin nina Obenieta at Babor ang publiko dahil saan mang anggulo sipatin ang buong pangyayari ay harassment pa rin ang ginawa nila sa pamilya nina Mendoza.

Dinagdag ng human rights group na sanay maghabi ng kasinungalingan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang maghasik ng takot sa hanay ng mga mamamayan. Ang paulit-ulit na paninira sa mga makabayang organisasyon at pag-uugnay nito sa rebolusyunaryong kilusan ay desperadong hakbang ng AFP upang ikondisyon ang isip ng mamamayan sa kanilang masamang  balak  laban sa mga aktibista at legal na organisasyong pangmasa gaya ng panghaharas, pandudukot, pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

Sinabi pa ng KARAPATAN  na legal at lehitimo ang mga organisasyong gaya ng Bagong Alyansang Makabayan  at  mga grupong partylist gaya ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan  at ACT  Teachers. Ang mga orgnisasyong ito ay nagsusulong ng mga batayang karapatan ng mamamayan  sa kabuhayan, kalusugan, edukasyon at iba pa.

Ayon pa sa pahayag ng KARAPATAN na ang pagpunta ng mga elemento ng Philippine Army sa tahanan ng mga Mendoza ay harassment kahit anupaman ang kanilang sabihin.  Ang uniporme at presensya ng militar ay nagdadala ng takot sa mga mamamayan. Walang pasubali na ang napakasama at madugong record ng Philippine Army sa lalawigan ng Sorsogon sapul pa man noon ay sapat na upang maghatid ng takot sa mga mamamayan kapag nakakakita ng militar. Banggitin natin ang lahat nang mga karumal-dumal na krimeng naganap dito sa Sorsogon, mula sa pamamaslang, pagdukot, panggagahasa, pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot, panghohold-ap at iba pa, at maliwanag na makikita dito ang tatak ng militar.

Gustong sirain ni Obenieta at Babor ang mga aktibista at mga pambansa-demokratikong  organisasyong kinasasapian nila.  Kalkalin man ng libu-libong Obenieta at Babor ang lahat nang blotter sa mga pulisya at barangay sa buong lalawigan ng Sorsogon, walang makikitang blotter na nagsasangkot sa mga aktibista sa mga krimen ng pagdukot, pagpatay, panggagahasa, pangungulimbat at pang-aapi sa kapwa, dagdag pa ng KARAPATAN.

Hindi maintindihan nina Obenieta at Babor na ang lahat nang mamamayan ay may karapatan at mga kalayaang hindi maaaring labagin ng sinuman kahit na ng umiiral na pamahalaan at mga ahensya nito. Ang mga karapatan at kalayaang ito ay ginagarantiyahan ng Universal Declaration of Human Rights,  International Covenant on Civil and Political Rights,  mga pandaigdigang batas,  Bill of Rights ng Philippine Constitution at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Katulad ni Adolf Hitler, Ferdinand Marcos at Jovito Palparan, muhing-muhi si Obenieta at Babor sa Kalayaan at Demokrasya. Hindi nila maatim na ang mamamayang Pilipino, kasama na ang mamamayang Sorsoganon, ay magtamasa ng magandang buhay sa ilalim ng isang lipunang malaya, demokratiko, masagana at mapayapa, isang lipunang ligtas sa pang-aabuso ng militar sa karapatang pantao ng mga mamamayan, pagtatapos ng KARAPATAN.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.