Disaster Council ng Sorsogon naghahanda kaugnay ng tropical storm “Chedeng”

0
263
Photo courtesy PAGASA
Photo courtesy PAGASA

SORSOGON CITY – Ipinag-utos ni Sorsogon Governor Raul R. Lee sa lahat ng sangay ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na paghandaan ang posibleng pagtama ng Tropical Storm “Chedeng” sa lalawigan.

Binigyang diin ng gobernador ang pagtutok sa pagsagip sa mga pananim at imprastaktura sa buong lalawigan, sa tulong ng tanggapan ng Provincial Agriculturist at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Hindi dapat maging kampante ang mga Sorsoganon sa tila matiwasay namang kalagayan ng panahon, sa harap ng posibleng pagtama ng bagyo sa rehiyon Bicol, kung saan dapat maging handa, sa pagtama man o hindi ang tropical storm na si Chedeng, ayon pa kay Lee.

Kaugnay nito, patuloy ang paalala ng opisyal sa mga nakatira sa mga mababang lugar na magsagawa na ng pre-emptive measures bilang paraan ng mas maagap na paghahanda.

Pinaalalahanan din nito ang mga mangingisda na iwasan muna ang pagtungo sa laot upang makaiwas sa anumang sakuna.

Sa pinakahuling Severe Weather Bulletin Number 9 ng PAGASA, mas lumawak pa ang sakop ng nabanggit na bagyo, kung saan kasama na sa talaan ng mga lalawigan na nasa ilalim ng Public Storm Signal Number 2 sa ngayon ang Catanduanes, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte at mga lalawigan ng Samar.

Kaninang alas-onse ng umaga ay namataan ang bagyong si Chedeng sa layong 350 kilometro sa Silangang bahagi ng Catarman Nothern, Eastern Samar at sa coordinates na 12.2°N, 128.2°E

Taglay rin nito ang bilis na 130 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugso ng hangin na aabot sa 160 kilometro bawat oras.

Patuloy na tinatahak ng tropical storm na si “Chedeng” ang direksyon na Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 9 kilometro bawat oras.
Samantala sinabi ni PDRRMC Action Officer at SAR Service Head Manro Jayco, na napakalawak ng lugar na posibleng sasakupin ng dalang ulan ng tropical storm Chedeng, kung kaya’t hindi lang ang madalas nang naaapektuhan na mga bayan ang kasalukuyang nakapaloob sa kanilang “watch list” kundi ang buong lalawigan ng Sorsogon.

Una nang nagbabala ang Pagasa-DOST sa dalang ulan ng bagyong Chedeng na maaaring mahalintulad sa mapaminsalang bagyong Ondoy at Frank na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Luzon at Visayas dalawang taon na ang nakakaraan.

Malawak umano ang dalang kaulapan ng bagyong Chedeng na umaabot sa 600 kilometers in diameter, kaya’t kailangan paghandaan ang matinding pagbuhos ng ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Ayon kay Jayco, mahigpit din ang kanilang ginagawang pagtutok sa posibleng pagsabay sa bagyo ng pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan.

Dahil dito, nakatuon ang kanilang pansin sa posibleng pagbaha, landslide at pagragasa ng lahar sa oras ng kalamidad.

Sa kabilang dako umaabot na sa 315 katao ang stranded sa bayan ng Bulan. Ayon kay municipal administrator Chin-Chin de Castro na mula sa pa kalakhang Maynila ang mga pasahero na nakatakda sanang bumiyahe papunta ng isla ng Masbate ngunit pinigilan ito ng mga otoridad dahilan sa bagyong Chedeng.

Nagbigay na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga na-stranded na mga pasahero sa Bulan Transport Terminal. BICOLTODAY.com

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.