‘Labor day’ sinalubong ng protesta sa Bicol, delegado hinaras ng AFP

0
254
Bicolanos commemorate the 125 year of International Labor Day (May 1). BICOLTODAY.COM FILE PHOTO
Bicolanos commemorate the 125 year of International Labor Day (May 1). Photo by BICOLTODAY.com

LEGAZPI CITY – Libo-libong Bicolano ang nakiisa sa paggunita ng ika-125 taon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa o International Labor Day ngayong araw (May 1).

Pinagunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at mga kaalyadong organisasyon nito ang protesta sa buong rehiyon. Kung saan pangunahing panawagan pa rin ng grupo ang pagtaas ng sahod sa mga mangagawa at pagpababa ng presyo ng mga bilihin.

Sa pahayag sa midya ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan-Sorsogon) ang isinagawa nilang protesta ay upang ipamukha sa administrasyong Aquino ang naglalatang na poot ng mga mangagawa at mamamayang Pilipino sa dimatingkalang kahirapan at pambubusabos na kanilang nararanasan araw-araw.

P125 at P3000 legislated wage increase

Sa inilabas na datos ng Bayan, sa Bicol ang isang pamilyang may limang (5) miyembro ay nangangailangan ng mahigit P700.00 bawat araw upang makapamuhay ng disente at kompotable, subalit ang daily minimum wage ay mula P204.00 hanggang P247.00. Samantala sa National Capital Region (NCR) ay nakapako sa P404.00 bawat araw.

Ayon sa Bayan wala pa sa kalahati ng halaga ng pang araw-araw na pangangailangan ng mga naninirahan sa Bicol at NCR ang kinikita sa araw-araw. Hinihiling ng naturang grupo ang legislated wage increase ng P125.00 across-the-board sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor at P3,000.00 sa buwanang sahod ng mga empleyado sa gobyerno ay kapos pa rin ito sa mga pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Band-aid solutions

Binatikos din ng Bayan ang programang Public-Private-Partnership, 4P’s (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) ni dating pangulong GMA na ipinapatupad ni Pangulong Noynoy Aquino at ang Pantawid Pasada para sa mga drayber bunsod ng sunod-sunod na pagtaas na presyo ng mga produktong petrolyo ay pawang mga pantapal na solusyon (Band aid solutions) lamang na mas lalo pang magsasadlak sa ating bansa sa mas malalim na pagkakautang sa mga dayuhan at magpapataas sa dati nang mataas na buwis na ipinapataw sa mga mamamayan.

Military harassment

Kinondena ng Karapatan Bikol ang ginawang harassment ng mga militar sa mga delegasyon sa mga lalawigan ng Sorsogon at Masbate.

Ayon kay John Concepcion, tagapagsalita ng Karapatan-Bikol na humigit 100 katao na lulan na isang bus at 2 jeep ang hinarang ng mga elemento ng 49th Infantry Battalion ng AFP sa checkpoint nito sa Barangay Cabugaan, Bulan.

Samantala sa lalawigan ng Masbate, hinarang at arbitrayong ikinulong ang tatlumpung (30) delegado at driver ng jeep na sinasakyan ng mga ito mula sa Pio V. Corpus sa bayan Cataingan, ayon pa kay Concepcion.

Dinagdag pa ni Concepcion, na halos ikinalat ng AFP at kanilang mga intelligence agents para tiktikan ang mga dumalo sa kilos protesta. Sinabi nito na sa lalawigan ng Sorsogon walang humpay ang pangunguha ng bidyo at litrato ng mga operatiba ng militar.

20,000 protesters in Bicol

Ikinagalak ng organizers ang pagdagsa ng libo-libong Bicolano sa paggunita ng ‘labor day’, kung saan halos umabot sa mahigit 22,000 katao mula sa anim na lalawigan ng rehiyon. Naitala ang malaking bilang na dumalo mula sa Masbate na umabot sa 15,000, Sorsogon – 3,000, Albay – 2,000,  Camarines Sur – 1,000,   Camarines Norte – 500, at Catanduanes – 500.

Ayon sa Bayan, ito’y pagpapakita lamang ng pagkadismaya ng mga Bicolano sa administrayong Aquino na bulag, bingi at walang pakiramdam sa kalagayan at hinaing ng mamamayan.

Mas lalong tumingkad ngayon ang pangangailangan ng pagbubuo, paglulunsad at pagpapasigla ng kilusang masa masa upang tugunan ang samu’t-saring problemang kinakaharap ng mamamayan, pagtatapos ng Bayan. BICOLTODAY.com

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.