Permit ng Filminera pinakakansela kay PNoy

3
67
The open-pit mining operations of Filminera Resources Corp. at Aroroy, Masbate. BICOLTODAY.COM PHOTO
The open-pit mining operations of Filminera Resources Corp. at Aroroy, Masbate. Photo by BICOLTODAY.com

MASBATE CITY – Sagad na sa buto ang galit ng isang kasapi ng provincial board ng lalawigan ng Masbate sa ginagawang katarantaduhan ng Filminera Resources Corporation sa yaman ng mga bundok ng Aroroy maliban pa sa pagyurak sa interes ng maliliit na minero.

Bagaman noong una ay naging malambot ang Sangguniang Panlalwigan sa paninindigan nito laban sa Australian-owned mining firm, sa pagkakataon ito at matapos ang matimtimang pagninilay-nilay – napag-tanto ni SP Member Julius M. Tuason (2nd Dist.) na panahon na para tuldukan ang pagmamalabis ng Filminera.

Si SP Tuason, na taga Aroroy, ay masasabing na ‘The Last Man Standing’ laban sa pagmamalabis ng FRC at tanging ito lamang ang nasasandigan ng mga small scale miners para isulong ang kanilang kapakanan.

Sinabi ni SP Tuason na inihahanda na ng kanyang staff ang resolusyon na ihahain sa sanggunian na hihiling kay Pangulong Benigno C. Aquino III na kanselahin na ang mining permit na ipinag-kaloob sa FRC.

Napagtanto ni Tuason ang kanyang desisyon makaraang makatanggap ng samut-saring reklamo mula sa mga taga Aroroy sa pagiging malamya ng SP na repasuhin ang mga kabalastugan ng Filminera.

Nauna nang naglabas ng committee report ang SP na humihiling lamang sa Department of Enviroment and Natural Resources na imbestigahan ang mga reklamong isinampa laban sa mining firm.

Nakapaloob din sa report ang atas sa Filminera na kumuha ng independent body na mag-iimbestiga sa mga kataranduhan nito.

Gayunman, umani ng kaliwa’t-kanang batikos ang committee report dahil nakikinita ng karamihan na mas pabor ito sa Filminera.

Hindi rin maiwasan ng ilang tagamasid na mag-isip na nagkaroon ng “transaksyon” sa pagitan ng mga kasapi ng sanggunian at ng pamunuan ng Filminera.

Ang committee report ay sa kabila ng mga reklamong inihain ng ilang grupo at indibidwal sa Sangguniang Panlalawigan laban sa mga paglabag sa mga tuntunin sa pagmimina ng mining firm.

Binigyang diin ni SP Tuason na panahon na para sisirin ng malaliman ang mga taha-sang paglabag ng Filminera kaugnay sa kasiraan ng yaman ng mga bundok ng Aroroy na inararo ng FRC at maging ang pagyurak nito sa interes ng nakararami at nagugutom na mga small-scale miners.

“Dugay na inasabi ko sa mga taga Filminera na reparuhon ninda an mga reklamo kontra sa inda operasyon, lalo na sa mga bayolasyon ninda, pero kay bagan wara sin nangyayari”, nanlulumong pahayag ni SP Tuason.

Ang hinaing ni Tuason ay hindi lamang laban sa mining operation ng FRC kundi maging sa mga kalabisan ng ilang matataas na tauhan ng kompanya, lalo na iyong mga dayuhan na may interes dito.

Mismong ang Australian mining executive na si Wayne Foote, ang security consultant na si Peter McDevitt, at ilang pang lokal na opisyal ng mining firm ay nahaharap sa kasong panununog na isinampa ng isang ordinaryong minero.

Inirekomenda na ng Regional State Prosecutor ang pagsasampa ng kaso sa hukuman laban sa mga ito.

May mga hinaing din ang ilang may mga palayan sa palibot ng mga lugar na minimina ng Filminera dahil sa lasong iniluluwa nito at humahalo sa lupa na dahilan para mawala ang sustanya nito para sa mga pananim.

Ilan ding mga fish pond owners ang “sumisigaw” ng katarungan sa pagkasira ng kanilang mga negosyo dahil sa Port Barrera bumabagsak ang ilang lasong kemikal ng FRC.

Nitong nagdaang linggo lamang, naghain din ng reklamo si dating Brgy. Pating Chairman Norel G. Quintal dahil kinakamkam ng FRC ang may pitong hektarya na kanyang minimina sa Gold Bag Area.

Ang Filminera Resources Corporation ay nasa ilalim ng Masbate Gold Project na pagmamay-ari ng Central Gold Asia Mining Ltd., isang Australian-registered firm.

Nakuha ng CGA ang mining operation sa Aroroy noong Marso 2007 mula sa dating Base Metal Corporation na pumalit sa Atlas Mining Consolidated Mining and Development Corporation.

Nagtagal ng labing-apat na taon ang operasyon ng Atlas Mining at nagsara ito noong 1994.

Nagpalit man ng mga pangalan ang kompanya, pare-pareho pa rin ang mga taong nasa likod nito na nagpapatakbo ng operasyon katulad nina Rolando Q. Amores, ang chairman, at ang resident manager na si Danilo S. Latuga.

Mayo 12, 2007 nang unang makakulimbat ng ginto ang FRC at noong Nobyemre 27, 2010, umabot na sa 22,562 metric tons ang kabuuang ginto na nakuha ng Filminera sa Aroroy.

Ang bulto ng ginto ay maihahalintulad sa annual processing rate na 7.5 million MT na mas mataas sa design capacity na 4 million MT per annum.

Noong buwan ng Oktubre,  2010, at batay sa ulat ng isang Michael Carrick, ang CEO ng Central Gold Asia sa Australian Securities Exchange at Toronto Stock Exchange, nagtala ng $38.4 Million ang FRC sa loob ng labindalawang buwang operasyon nito mula June 30, 2009 hanggang June 30, 2010.

Itinuturing na ang Masbate Gold Project ang siyang pinakamalaking gold project sa buong bansa. (Ronnie Valladores/Masbate Barita Express/BICOLTODAY.com)

 

3 COMMENTS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.