Reps. Escudero, Ramos binatikos sa Marcos ‘heroes burial’

6
684
Photo by BICOLTODAY.com
Sina Sorsogon Representative Salvador Escudero III ng 1st District (kaliwa) at Deogracias Ramos ng 2nd District (kanan). Photo by BICOLTODAY.com

SORSOGON CITY – Umani ng iba’t-ibang batikos sina Representative Salvador Escudero at Deogracias Ramos ng lalawigan ng Sorsogon sa mga dating detinidong pulitikal at mga  biktima sa panahon ng martial law sa pagsusulong mga ito na bigyan ng ‘heroes burial’ ang dating diktador at presidente na si Ferdinand E. Marcos.

Ayon kay Mario Frago anak ng dating political detainee, paglapastangan sa diwa ng Edsa 1 ang ginawa ng 216 na kongresista na pumirma sa resolusyon numero 1135 ni Escudero na hinihinging ilibing sa libingan ng mga bayani at bigyan ng ‘heroes burial’ ang dating pangulo.

“Dapat isina-alang-alang ng mga ito na hindi dapat makalimutan ng mamamayang Pilipino ang mapait na karanasan sa kamay ng isang mapang-abusong pangulo na pinatalsik sa pamamagitan ng pag-aaklas sa Edsa o People Power”, dagdag pa ni Frago.

Aniya ang ginawa ni Escudero ay patunay lamang na naging bahagi siya ng gobyerno ni Marcos na nakinabang sa pandarambong ng diktador. Kaya’t hindi rin kataka-taka ang pagiging Marcos Loyalist ng kongresista. Matatandaan na naging kalihim ng agrikultura at assemblyman ng batasang pambansa si Escudero sa panahon ni Marcos.

“Mas mabuti pang sunugin o itapon na lang sa dagat ang labi ng dating pangulo”, pagtatapos ni Frago.

Sa kabilang dako, mahigpit ding tinututulan ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang panukala ng Escudero. Naniniwala ang CEAP na hindi nararapat na bigyan ng heroes burial ang dating diktador at hindi rin dapat na maging batayan ang sinasabi ng mga signatories sa resolusyon na si Marcos “served his country the best way he knew how and remained a Filipino patriot to the end of his life and in death deserves to be honored as such.”

Laman pa ng resolusyon na ang paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani “will not only be an acknowledgement of the way he led a life as a Filipino patriot but will also be a magnanimous act of reconciliation which will strengthen the bonds of solidarity among the Filipino people”, na hindi naman sinang-ayunan ng CEAP.

Tinawag din ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Amnestiya at Aresto o Selda Sorsogon na manhid at tulog sina Escudero at Ramos. Ayon sa Selda hanggang ngayon ay lugmok pa rin sa kahirapan ang mamamayang Sorsogueno. Wala pa ring ipinagkaiba ito sa mga nagdaang administrasyon.

Samantala wala pang pahayag na inilalabas sina Escudero at Ramos hinggil sa reaksiyon ng mga dating biktima ng martial law. BICOLTODAY.com

 

6 COMMENTS

  1. Excellent posting. I merely found your website and were going to mention that I have certainly really liked reading through your blog site articles. By any means I’ll be coming back and I hope you publish once again soon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.