Marcos victims sa Bicol makakatanggap ng $1000, hustisya pa rin ang hiling

0
470
Si Fr. Dionito Cabillas, Secretary-General ng SELDA habang nagpapaliwanag hinggil sa settlement agreement kay Jose-Yao Campos na inayos ni Atty. Robert Swift sa isinagawang provincial consultation sa mga human rights victims sa Sorsogon City noong Pebrero 19, 2011. Photo by BICOLTODAY.com
Si Fr. Dionito Cabillas, Secretary-General ng SELDA habang nagpapaliwanag hinggil sa settlement agreement kay Jose-Yao Campos na inayos ni Atty. Robert Swift sa isinagawang provincial consultation sa mga human rights victims sa Sorsogon City noong Pebrero 19, 2011. Photo by BICOLTODAY.com

BICOL Region, Philippines – Hindi matutumbasan ng halaga o anumang kabayaran ang pagkawala ng aming ama, ito ang hinagpis ni Modesto Polo.

Panahon ng martial law nang pabintangang kasapi ng rebolusyuaryong kilusan ang ama niyang si Luis Polo. Ayon kay Modesto ilang beses na binugbog at pinahirapan ng Philippine Constabulary ang kanyang ama kung kaya’t napilitan itong sumapi sa isang lihim na kilusan. Mula noon ay hindi na nila ito nakitang.

Magsasaka ang kanyang mga magulang. Siya noon ay labing-anim na taon nang makaranas din ng pang-naabuso sa kamay ng mga militar. Iniwang nakagapos ang mga kamay sa gitna ng niyogan, laking pasalamat niya nang makita siya ng isang nagkakawit ng niyog.

Si Angelo Enano, dose anyos nang magtago matapos na paslangin ang kanyang ama. Dito niya naranasan ang kumain ng balat ng puno. Minsan nagpapasalamat siya kung may nagbibigay sa kanila ng bigas, at para maparami ito ay hinahaluan nila ng kinayod na niyog.

Ayon sa kanya, kadalasan ay natutulog sila sa lupa at sinasapinan lamang ng mga dahong ng saging at cogon.

Sina Modesto at Angelo ay ilan lamang sa libu-libong biktima ng karahasan ng militar noong panahon ng martial law na makakatanggap diumano’y bayad pinsala sa halagang isang libong dolyar ($1,000) mula sa $10 million settlement agreement sa isang ari-arian ni Marcos sa Estados Unidos na nakapangalan sa kroni nitong si Jose Yao-Campos na kinatigan ni Judge Manuel L. Real ng US Federal Court sa Hawaii.

$2.5 million Attorney’s Fee

“Exorbitant” o sobra-sobra ang kinuhang litigation fee ni Atty. Robert Swift, ito naman ang naging pagtingin ni Melchor Genavia ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA Bicol).  Sinabi nito na makatarungan kung sampung porsiyento (10%) lamang ang kukunin ni Swift na attorney’s fee. Aniya’y dapat mapupunta sana sa mga biktima ang ibang halaga, ngunit mas minarapat na bawasan na lamang ang bilang ng makakatanggap ng kabayaran mula sa dating 9,539 na ngayo’y 7,526 na lamang.

Ipinagtataka rin ng SELDA kung bakit arbitraryong binawasan ang listahan ng bibigyan ng kabayaran samantala ang mga ito ang siyang orihinal na nagsampa ng class suit laban sa mga Marcos.

Sa kabila nito ay tatanggapin pa rin mga mga biktima ang naturang bayad pinsala, ngunit hindi ito nangangahulugang tapos na ang paglaban nila para sa katarungan at hustisya, ayon naman kay Pacita Listana.

Sinabi nito na hindi na maibabalik ni Marcos ang idinulot na epekto sa kanyang lolong si Laurentino Paz na pinahirapan, binugbog ng mga militar noong martial law. Hindi na rin matatanggap ng kanyang lolo ang kabayaran matapos na pumanaw ito noong 2007.

Marami ding Bicolano ang nagbuwis ng buhay para ipagtanggol ang demokrasya laban sa isang pasista at diktador na si Marcos, gaya nina Juan Escandor, Antonio Ariado, Nanette Vytiaco at mga magsasaka na pinaslang, pinahirapan o torture at sapilitang pagkawala na bahagi ng malawak na pag-aalsa ng sambayanan.

Danyos Perwisyo o Bayad Pinsala

Sa sulat ni Atty. Swift sa mga Marcos victims para sa rehiyon Bicol na may petsang Pebrero 14, 2011 ang mga makakatanggap ng kabayaran ay gagawing personal kung kaya’t kailangang pumunta sa nakasaad na address simula Marso 14 hanggang Marso 18, 2011.

Commission on Human Rights
ANST Building, Washington Drive
Legazpi City

Kung ang apelyido ay nagsisimula sa:
“A” to “D” – March 14
“E” to “G” – March 15
“H” to “M” – March 16
“N” to “Z” – March 17

Kung hindi makakapunta sa itinakdang araw ay maaring pumunta sa Biyernes ng hapon March 18. Kailangan din magdala ng orihinal na sulat mula kay Swift at dalawang (2) ID O identification cards gaya ng SSS, GSIS, Passport, Voter’s ID, Driver’s License, TIN, NBI Clearance, Seaman’s Book, Senior Citizen ID, Postal ID o ibang pang identification cards na inisyu ng  gobyerno. (SEVERINO GUARIN/BICOLTODAY.com)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.