EDSA 1 ginunita ng mga Bicolano, 200 delegado hinarang ng AFP at PNP

0
140
Thousands of Bicolanos commemorate the 25 years of EDSA 1. Photo by BICOLTODAY.com
Thousands of Bicolanos commemorate the 25 years of EDSA 1. Photo by BICOLTODAY.com

LEGAZPI CITY – Sa gitna ng matinding harassment, pananakot at paglalatag ng mga checkpoints ng AFP, PNP at LTO ay matagumpay na naisagawa ng mga Bicolano ang paggunita ng ika-25 taong anibersaryo ng EDSA people power revolution sa rehiyon.

Ayon kay Tessa Lopez, tagapagsalita ng Bayan-Bikol na mahigit sa 5,000 katao ng dumalo mula sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur at Sorsogon. Sinabi nito na hindi naging hadlang sa mga delegado na makadalo ang ginawang panghaharang ng mga otoridad.

Checkpoint sa Sorsogon

Sa lalawigan ng Sosogon, humigit kumulang 200 katao na lulan ng 9 na pampasaherong dyip ang hinarang ng mga militar at pulis sa isang checkpoint sa barangay Ariman, Gubat. Binaha rin ng mga checkpoints ang ilang bahagi ng highway sa lalawigan, gaya ng barangay Buhatan at Abuyog sa Sorsogon City, Trece Martires, Casiguran at Juban, Sorsogon.

Una rito ay inihayag ni Capt. Edgar Obenieta, CMO ng 49th Infantry Battalion na ang ginawa nilang pagti-checkpoint ay dahilan sa ulat o intelligence report na may magpapagulo at magpapasabog sa gagawing rally.

Sa kabilang dako, sinabi naman ng Bayan Sorsogon nagpapakita lamang ng karuwagan ang AFP sa hindi paggalang sa malayang pamamahayag ng mamamayan. Ayon sa Bayan na dapat nilang tandaan na kung hindi sa pagkakaisa at paglaban ng mga progresibong mamamayan ay hindi napatalsik ang diktaduryang Marcos. Sinabi pa ng Bayan na gawa-gawa lamang si Capt. Obienta ang kwentong may magpapagulo para hindi makadalo ang daan-daang Sorsoganon sa aktibidad.

Despite of various army and police checkpoints, Sorsoganon peacefully commemorate the 25 years of EDSA 1. Photo by BICOLTODAY.com

Hindi rin naging hadlang ang humigit 1000 Sorsoganon na dumalo sa paggunita ng EDSA 1 ang pananakot ng mga militar, kung saan mapayapang nailunsad ang programa at mga kulturang pagtatanghahal sa buong lungsod ng Sorsogon, ayon pa sa Bayan.

‘Daet 4’ lumaya na, 600 dumalo

Sa lalawigan naman ng Camarines Norte masayang nakadalo ang apat na lider-aktibista na nakulong ng mahigit tatlong buwan matapos na mapawalang sala ng korte ang isinampang kaso laban sa mga ito. Nag-uumpaw ang kaligayahan nina ­­­­­­­­­­­­­­­Esmeraldo Bardon, KMP-Anakpawis, Denver Bacolod ng KARAPATAN-Camarines Norte, Secretary General ng Makabayan at Provincial Coordinator ng ACT-CN, Merlo Bermas ng Kabataan Party list at Elpidio Deluna, magsasaka at dating political detainee matapos bigyang pagpupugay sa matagumpay nilang pakikipaglaban para sa hustisya at katarungan. Sinabi ng mga ito na hindi sila nadimoralisa at matapang pa ring naninindigan sa gitna ng mga pananakot ng estado.

Ayon sa Karapatan Camarines Norte umabot sa halos 600 ang dumalo sa pagtitipon, na mas marami kaysa karaniwang aktibidad. Sinabi ni Maricel Delen, coordinator ng Kaparatan CN na patunay na hindi nadala ang mamamayan sa mga pananakot ng mga militar.

Naging panauhing bisita rin si Tonying Flores, tagapagsalita ng KMP National, kung saan sinabi nito na wala pa ring demokrasya sa bansa taliwas sa pagdiriwang ni Pangulong Noynoy Aquino na ibinalik ng kanyang ina ang demokrasya, dahil nanatiling pa ring inaagawan ng lupa ang mga magsasaka. Hindi pa din naibabalik ang Hacienda Luisita sa mga lehitimong magsasaka na siyang tunay na may-ari at karapatan sa lupa.

Sinabi pa ni Flores na malayang nakakapagpapalawak ng lupain ang mga hasyendero gamit ang korte, sundalo at pulisya. Habang ipinaglalaban ng mga magsasaka ang kanilang karapatan. Mga panloloko, pamamaslang at tortyur ang kanilang natatamo mula sa mga ahente ng estado, pagtatapos ni Flores. (BICOLTODAY.com)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.