Kaso laban sa Daet 4 ibinasura ng DOJ

0
133
Photo courtesy by Wikipilipinas.org
Photo courtesy by Wikipilipinas.org

DAET, Camarines Norte – Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong paglabag sa “Republic Act 9516 o Illegal/Unlawful Possession, Manufacture, Dealing In, Acquisition or Disposition of Firearms, Ammunition or Explosives” laban sa apat na lider-aktibista sa bayang ito nitong ika-31 ng Enero.

Sa tatlong pahinang desisyon na sinulat ni Cornelio M. Roll, 3rd Assistant Provincial Prosecutor ng Department of Justice, Provincial Prosecution Office sa Daet, Camarines Norte, sinabi nito na walang matibay na batayan at ebidensiya ang mga kasong isinampa laban kina Esmeraldo Bardon, KMP-Anakpawis, Denver Bacolod ng KARAPATAN-Camarines Norte, Secretary General ng Makabayan at Provincial Coordinator ng ACT-CN, Merlo Bermas ng Kabataan Party list at Elpidio Deluna, magsasaka at dating political detainee.

Matatandaan na noong Nobyembre 22, 2010 ay iligal na inaresto ang apat na lider-aktibista at hinalughog ng pinagsamang elemento ng 31st Infantry Battalion ng Philippine Army sa pangunguna ni 2nd Lt. Dominique B. Olaivar at PNP Camarines Norte sa pangunguna naman ni SPO1 Edrin D. Aquino ang opisina ng KARAPATAN at KMP sa Daet Camarines Norte na walang search warrant at depektibong warrant of arrest.

Una nang ibinasura ni Prosecutor Athena Boado ang ‘Rebellion case’ ng apat na akusado isang araw matapos ma-inquest ang mga ito noong Nobyembre 23.

Disyembre 11, 2010 ay iniutos ni Judge Roberto A. Escaro ng RTC Branch 39 na ibalik sa piskalya ang kaso matapos magfile ng motion for re-investigation si Atty. Santiago Ceneta, abogado ng depensa.

Pebrero 4, 2011 natanggap ni Atty. Ceneta ang kopya ng Resolution ni Prosecutor Cornelio Roll ang resolution na nagbabasura sa kaso ng apat na lider.

Samantala, sinabi ni Maricel Delan, Provincial Coordinator ng KARAPATAN Camarines Norte na inaabangan nila ang paglaya ng kanilang mga kasamahan ngayong darating na lunes. (BICOLTODAY.com)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.