P-Noy bagsak sa unang ika-100 araw

0
504
P-Noy 100 days: Mahigit tatlong libong Sorsoganon ang nagmartsa upang ipinawagan kay P-Noy na usigin si Arroyo sa mga kasalanan nito sa bayan. Photo by BICOLTODAY.com
P-Noy 100 days: Mahigit tatlong libong Sorsoganon ang nagmartsa upang ipinawagan kay P-Noy na usigin si Arroyo sa mga kasalanan nito sa bayan. Photo by BICOLTODAY.com

SORSOGON CITY – Bagsak ang ibinigay na grado ng mga Sorsoganon kay Presidente Benigno Aquino III sa kanyang unang isangdaang araw.

Sa pahayag ng Bagong Alyasang Makabayan Sorsogon napakanipis lang ng pagkakaiba ng gobyerno ni Aquino sa nagdaang administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi nito na napakalubha pa rin ng krisis sa kabuhayan ng bansa. Laganap pa rin ang kawalan ng trabaho, disempleo, tanggalan sa trabaho at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Lublob pa rin sa mga panloob at panlabas na utang ang pamahalaan. Mayroon pa ring pampulitikang panunupil at pamamaslang, demolisyon sa mga maralitang komunidad, maliit na pondong inilalaan sa state universities and colleges (SUCs), jueteng payola, karumal-dumal na krimeng katulad ng Manila Hostage Crisis na kinasasangkutan ng mga pulis, at pagpapatuloy ng mga proyektong nakaangkla sa programang globalisasyon ng Estados Unidos.

Malinaw na hindi tinutugunan ng gobyernong Aquino ang mga kahilingan at adhikain ng mamamayan, kundi mananatiling sunud-sunuran ito sa utos at kagustuhan ng imperyalistang Estados Unidos, mga lokal na asendero at negosyanteng komprador, ayon pa sa Bayan.

Dinagdag pa ng Bayan-Sorsogon na patuloy din ang pananalasa ng mga pwersang panseguridad ng estado sa kanayunan at kalunsuran. Sa Bikol, nakapagtala na ang KARAPATAN ng labing-anim (16) na pampulitikang pamamaslang sa loob ng isang daang araw pa lamang ni Noynoy. Banta pa rin sa mamamayan ang ipinagpapatuloy na Oplan Bantay Laya (OBL). Ang OBL ay ang kontra-insurhensyang programa ng rehimeng US-Arroyo na kumitil sa mahigit 1,200 aktibista at dahilan ng sapilitang pagkawala ng mahigit na 200. Wala man lang makabuluhang hakbang na ginawa ang gobyerno ni Aquino upang usigin si Gng. Arroyo sa mga kasuklam-suklam na krimen nito sa mamamayan.

Sa kabilang dako naman, sinabi ng Piston Land Coalition sa Sorsogon na Walang pagbabago sa kalagayang pang-ekonomiya ng mga tsuper at maliliit na opereytor sa unang isandaang araw ni Pangulong Aquino at walang malinaw na palatandaan na babaguhin ng nakaupong Pangulo ang mga patakarang pangtransportasyon na ipinatupad ng nagdaang administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa kanila makailang beses nang nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo mula nang maluklok sa pwesto si Pangulong Aquino. Ang dating P32 bawat litro ng krudo nang siya ay maupo ay PP35.05 na ngayon. Ang pagtaas na ito sa presyo ng krudo ay labis na kabawasan sa arawang kita ng mga drayber at maliliiit na opereytor at ng kanilang pamilya. Patuloy ding nagdaranas ang mga drayber at maliliit na operator sa hagupit ng DOTC Department Order (DO) 38 at 39 serye ng 2008 na ipinatupad noon pang nagdaang administrasyon ni Arroyo. Ang nabanggit na DO 39 ay nagtaas ng mga multang bayarin bilang kaparusahan sa mga paglabag sa batas-trapiko. Ito ay nagtaas ng multa mula sa 11% (hal. mula sa P450 ay naging P500 na multa sa paggamit ng behikulong walang plate number) hanggang 9900% (hal. mula sa P150 ay naging P15,000 bilang multa sa di-awtorisadong paggamit ng bell at sirena at exhaust whistle o depende sa nagawang paglabag) kung ihahambing sa mga multang bayarin na nakasaad sa DO 693-93.

Sinabi pa ng Piston na ang DO 39 ay itinago ng DOTC sa mga grupo at pederasyon ng transportasyon.

Ani’y nila ito’y hindi ipinadaan sa isang pampublikong konsultasyon ng mga apektadong sektor bago ito inilabas at ipinatupad. Noong Pebrero 2009 lang nang makahawak ang PISTON ng kopya ng DO 39 gayong ito pala ay pinagtibay ng DOTC noon pang Agosto 2008.

“Alam naming ito ay nagbibigay ng karagdagang dagok sa buhay at kita ng mga tsuper, maliliit na opereytor, konduktor ng mga dyipni, traysikel, bus, taksi at iba pang mga pampasadang sasakyan na ngayon nga ay labis nang nagpapasan ng bigat ng nararanasang krisis pang-ekonomiya. Maliban dito, may bayarin pang tulad ng EVAT, quarterly tax, yearly tax, road

users tax at iba pang mga bayarin na ipinapataw ng LTFRB at mga LGU’s sa bawat transaksyong ginagawa sa mga ahensyang ito. Walang hakbang na ginawa si P’noy upang ibsan ang mga pasaning ito”, pagtatapos ng Piston Sorsogon. (BICOLTODAY.com)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.