Albayano nakiisa laban sa Cha-Cha at Diktadurya | BICOL TODAY

Albayano nakiisa laban sa Cha-Cha at Diktadurya

Photo courtesy of BAYAN Bicol

LEGAZPI CITY — Ang Caravan ng Mamamayang Bicolano Laban sa Cha-Cha at Diktadura ng Rehimeng US-Duterte andito na sa probinsya ng Albay para sa pagpapatuloy ng serye ng edukasyon sa bawat distritong madadaanan ng iba’t ibang sektor.

Kahapon, Abril 9, nagsimula ang Caravan ng 7:00 ng umaga na nahati sa dalawang grupo. Dinaanan ng unang grupo ang Donsol, Pilar, at Castilla. Samantala nahati naman sa tatlong ruta ang ikalawang grupo. Unang ruta ang Matnog, Sta. Magdalena, Irosin , Bulusan, Barcelona, at Gubat. Ang ikalawang ruta ay Bulan, Irosin,Juban, daan ng Casiguran, Pto. Diaz, at Bacon. Ang ikatlong ruta ay Bulan, Magallanes, Juban, at Casiguran. Nagsama-sama sa Abuyog at sabay-sabay na nag-caravan sa buong syudad ng Sorsogon ang dalawang grupo kasama ang panrehiyunal na pormasyon.

Magsasagawa ng torch parade at solidarity night sa Albay, Camarines Sur sa Abril 11 at sa Camarines Norte sa Abril 12 kung saan ipapalabas din dito ang mga maikling bidyo na sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mamamayang Bicolano lalong naghihirap dahil sa Train Law.

Lumahok dito ang malawak na pwersa ng panrehiyunal na pormasyon ng mga progresibong grupo sa hanay ng mga magsasaka, kabataan, kababaihan at iba pa.

Samantala naglunsad ng pang-probinsyal na caravan ang Masbate kahapon, Abril 9, bilang pakikiisa sa panrehiyunal na pagkilos.

Ang mga magsasaka sa Masbate ay nakikiisa sa malawakang caravan ng mga Bikolano ayon kay Enrique Tumampil ng Kilusang Magbubukid ng Masbate.

“Bahagi ito ng kampanya upang ilantad, biguin at labanan ang panukalang Charter Change ng rehimeng US-Duterte,” ayon kay Dan Balucio, BAYAN-Bicol. “Ang lahat ng progresibong grupo sa anim na probinsya ay nagkakaisa sa isang layunin.”

“Hindi malulutas ng Cha-Cha ni Duterte ang problema sa malawak na kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho’t mababang sahod, kurapsyon, kawalan ng lupa at mataas na presyo ng mga bilihin. Katunayan, lalo lamang nitong palalalain ang mga problema ng bansa,”ayon kay Balucio.

“Ang pang-aabuso at pagsasamantala sa mga uring magsasaka ay tumitindi. Layunin ng Cha-Cha na alisan ng lupa ang mga magsasaka at ibigay ang buong pagmamay-ari nito sa dayuhan,” dagdag ni Balucio.

Ani ni Tumampil, hindi pa nga napapatupad ang Cha-Cha ay nararanasan na ng mga magsasaka ang Diktadura ng rehimeng US-Duterte. Ito ay dahil sa tumitinding militarisasyon at mga anti-mamamayang plano ng lokal na ginigiit sa probinsya tulad na lamang ng pagtatayo ng Casino sa agricultural na lupain ng Masbate.

“Sa harap ng papatinding hambalos ng krisis sa kabuhayan at pagyurak sa ating karapatan, higit na makatarungan na tumindig at lumaban. Tanging sa sama-samang pagkilos tayo sasandig para tuluyang ilantad, ihiwalay hanggang sa tuluyang mapatalsik sa poder ang pahirap at pasistang rehimeng US-Duterte,” pagtatapos ni Balucio.

Photo courtesy of BAYAN Bicol

Posted by on April 11, 2018. Filed under Bicol News,Headlines. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *