Bicol caravan laban sa cha-cha, diktadura umarangkada na | BICOL TODAY

Bicol caravan laban sa cha-cha, diktadura umarangkada na

Contributed Photo

LEGAZPI CITY — Inilunsad ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Bicol ang “Caravan ng Mamamayang Bicolano Laban sa Cha-Cha at Diktadura ng Rehimeng US-Duterte” ngayong Abril 8 hanggang Abril 13, kasama ang iba’t ibang progresibong grupo sa rehiyon.

Bahagi ng caravan ang paglulunsad ng mga maikling programa at serye ng edukasyon sa bawat distritong madadaanan ng iba’t ibang sektor sa Sorsogon ngayong Abril 9, sa Albay naman sa Abril 10, Camarines Sur sa Abril 11 at sa Camarines Norte sa Abril 12.

Magsasagawa ng torch parade at solidarity night sa Sorsogon, Albay, Camarines Sur, at Camarines Norte kung saan ipapalabas din dito ang mga maikling bidyo na sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mamamayang Bicolano lalong naghihirap dahil sa Train Law, ayon kay  Dan Balucio.

Sinabi pa nito na lalahok ang pwersa ng panrehiyunal na pormasyon ng mga progresibong grupo sa hanay ng mga magsasaka, kabataan, kababaihan at iba pa.

Samantala sa Masbate, maglulunsad ng pang-probinsyal na caravan bilang pakikiisa sa panrehiyunal na pagkilos.

“Bahagi ito ng protesta upang ilantad, biguin at labanan ang panukalang Charter Change ng rehimeng US-Duterte,” ayon kay Dan Balucio, BAYAN-Bicol.

Contributed Photo

Sa kabilang dako sinabi naman ni Bert Autor ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB) “Kailangang tutulan ng mga magsasaka ang ChaCha, dahil ilang dekada nang ipinaglaban ng mga magsasaka ang karapatan sa lupa. Kung sakaling matutuloy ang ChaCha, malaki ang posibilidad na wala ng lupang maaari pang makuha ng mga magsasakang Pilipino”

Isa sa probisyon ng ChaCha ay ang pagbibigay ng lehitimong karapatan sa mga dayuhan upang mag may – ari ng negosyo at lupain sa Pilipinas. Mula 40% ay hahantong sa 100% ang maaaring mapasakamay ng isang dayuhang negosyante. Na magdudulot naman ng malaking kawalan sa parte ng maliliit na negosyante at mga magsasakang nag nanais magkaroon ng sariling lupa, ayon pa kay Auto.

Ayon naman kay Kath Taopo, Bicolana Gabriela Deputy Sec-Gen, sa pagpasok pa lamang nitong 2018, agad na ipinatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law kung saan mga anakpawis ang direktang tinamaan dahil sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin tulad na lamang ng produktong petrolyo,bigas,de lata at pati mga gulay,karne at isda.

Sinabi pa ni Taopo, ipinatupad ang batas na ito na wala namang dagdag sahod lalo na ang mga mininimum wage earners tulad na lamang sa Bicol na nakapako pa rin sa P290 kada araw. Mahigit 7 milyong kababaihang Pilipino (IBON 2016) ang kabilang sa mga walang trabaho,self-employed at unemployed family workers sa agrikultura ang sinasagasaan ng TRAIN na ito.

Nananawagan ang Bicolana Gabriela na makilahok sa Bicol caravan upang ilantad at labanan ang pakanang Cha-cha at Diktadura. Palaganapin natin ang malawak na kampanya para mabatid ng pinakamarami ang katotohanan sa likod ng Cha-cha. Biguin natin ang anumang tangkang patahimikin o supilin ang mamamayan. [BicolToday.com]

Contributed Photo

Posted by on April 9, 2018. Filed under Bicol News,Headlines. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *