Mark Anthony S. Angeles, Makata ng Taon 2016

MANILA – Hihiranging Makata ng Taon 2016 si Mark Anthony S. Angeles para sa kaniyang koleksiyong Sariwà pa’ng Súlat/Súgat ng Báyan kong Sawî sa Talaang Ginto: Makata ng Taon 2016.

Si Angeles ay nagwagi na ng unang gantimpala sa KWF Gawad Sanaysay noong 2015 at ikalawang gantimpala sa Makata ng Taon 2014. Isa siyang freelance writer at nakapaglimbag na ng apat na aklat ng tula. Nagsilbi siyang kinatawan ng Filipinas sa Iowa International Writing Program noong 2013.

Bukod sa titulong Makata ng Taon, tatanggap si Angeles ng PHP30,000.00 at tropeo mula sa KWF. Ipagkakaloob ito sa pagdiriwang ng ika-228 anibersaryo ng kapanganakan ni Francisco “Balagtas” Baltazar sa Orion Elementary School, Orion, Bataan.

Kapuwa naglahok ng isang mahabang tula ang nagwagi ng ikalawa at ikatlong gantimapala na sina Adelma Salvador (Hiling) at Levine Lao (Memo). Tatanggap sila ng PHP20,000.00 at PHP15,000.00 nang magkahiwalay.

Umupo sa Lupon ng Inampalan sina Rogelio Mangahas, Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera Jr., at Jerry B. Gracio.

Ang Makata ng Taon: Talaang Ginto ay isa sa mga pinakamatagal at prestihiyosong timpalak sa tula. Mula pa noong 1963, kinikilala na nito ang galing ng makatang Filipino at kabilang sa mga nagwagi nito ay naging haligi na ng Panulaang Filipino tulad nina Teodoro Antonio, Lamberto Antonio, Virgilio Almario, Bienvenido Lumbrera, Mike Bigornia, Ruth Elynia Mabanglo, Cirilo Bautista, at marami pang iba. [BicolToday.com]

Posted by on March 13, 2016. Filed under Lifestyle,Top Stories. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *