Kabataan, iginiit sa CHED ang agarang aksyon sa mga iligal na bayarin at paglabag sa mga karapatan

Photo Courtesy: Arkibong Bayan

Photo Courtesy: Arkibong Bayan

NAGA CITY — Nagsagawa ang mga mag-aaral sa kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng Commission on Higher Education (CHED) sa Lungsod Quezon ngayong araw laban sa mga labis-labis na bayarin sa paaralan tulad ng development fee at pag-aksyon sa mga kaso sa paglabag ng mga demokratikong katarapatan ng mga mag-aaral.

Kasama ang Rise for Education Alliance, nagsampa ng counter-affidavit ang mga lider-estudyante sa mga sagot ng mga paaralang naniningil ng development fee sa kanilang mga mag-aaral na nireklamo noong Agosto sa CHED.

Iginiit rin ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) na aksyunan na ng CHED ang mga paglabag sa sa campus press freedom at iba pang mga demokratikong karapatan ng mga estudyante.

“Ang mga paglabag sa mga demokratikong karapatan ng ating mga kapwa kabataang-estudyante ay bunsod lamang ng lumalalang komersyalisasyon ng edukasyon sa bansa. Sa pagtutol ng mga mag-aaral sa pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan, mararahas na hakbang ang ginagawa ng mga administrador ng mga paaralan upang sikilin ang mga karapatan ng kabataan,” pahayag ni Marc Lino Abila, Pambansang Pangulo ng CEGP.

“Sa mga isinampang kaso ng CEGP sa CHED, hindi man lamang nila magawan ng agarang aksyon ang mga ito. Inaabot ng buwan bago makasagot at aabutin pa ulit ng ilang panahon bago maresolba ang mga kaso. Nakukulong sa mediation at hindi magawang parusahan ang mga lumalabag sa aming mga karapatan,” dagdag pa ni Abila.

Sa tatlong mga kasong isinampa ng CEGP noong Agosto sa paglabag sa mga demokratikong karapatan ng mga mag-aaral, dalawa ang tumugon sa CHED.

Ang Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) na inireklamo dahil sa bantang pagpapasara sa publikasyon ng mga mag-aaral na EARIST Technozette at ang kasong cybercrime sa isang mag-aaral ng De La Salle Araneta University (DLSAU). Hindi pa rin tumutugon ang pamunuan ng National University (NU) sa reklamong isinampa sa kanila hinggil sa pagtatanggal ng iskolarsyip sa dalawang lider-estudyanteng nagsampa ng reklamo sa CHED laban sa pagtaas ng matrikula.

“Nananatiling walang pangil ang CHED. Hindi nito magawang tugunan ang mga panawagan ng malawak na hanay ng kabataang-estudyante para sa mura at de-kalidad na edukasyon at pagtatanggol sa aming mga demokratikong karapatan kundi kasabwat pa ng mga pamunuan ng mga kolehiyo at unibersidad upang lalo pang siilin ang aming karapatan sa edukasyon at kalayaan sa pamamahayag,” sabi ni Abila.

“Nanawagan kami sa mga kapwa naming kabataan at mag-aaral na magkaisa at kumilos laban sa patuloy na paglala ng komersyalisasyon sa edukasyon at ipaglaban ang ating mga karapatan sa edukasyon at magandang kinabukasan,” pagtatapos ni Abila.

Posted by on October 18, 2014. Filed under Filipino News,Nation,Top Stories. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *