Pagdala kay Gigi Reyes sa Philippine Heart Center, special treatment — Hustisya | BICOL TODAY

Pagdala kay Gigi Reyes sa Philippine Heart Center, special treatment — Hustisya

Atty. Gigi Reyes. Photo courtesy of InterAksyon.com

Atty. Gigi Reyes. Photo courtesy of InterAksyon.com

LEGAZPI CITY, 12July2014 — “Sobrang pambababoy na ito. Todo alaga ang mga magnanakaw kay Noynoy Aquino! Di lang ito special treatment, pagkanlong ito sa mga mandarambong!”

Tinuligsa ng mga grupo sa karapatang pantao ang mabilis na pagdadala kay Atty. Gigi Reyes, dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile at dawit sa pork barrel scam, sa Philippine Heart Center. Anila, higit pa sa “special treatment” ang pagtrato kay Reyes at sa mga sangkot sa pandarambong at korupsyon.

“Lahat ng akusado at bilanggo, may karapatan sa pagpapagamot at sa medikal na atensyon. Pero itong pagtrato nila kay Reyes, kahit kailan hindi ito ginawa ng gobyernong Aquino sa mga ordinaryong bilanggo, kasama ang mga bilanggong pulitikal. Hindi ordinaryong kriminal sina Reyes at mga sangkot sa pork barrel scam, mga nandambong ito sa kaban ng bayan. Ninakawan na ang mamamayan, sunod pa sila sa layaw,” pahayag ni Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya.

Dagdag pa ni Guevarra, kung si Reyes 24 oras lang dinala na sa ospital, ang mga ordinaryong bilanggo gaya ng mga bilanggong pulitikal ay umaabot ng isang buwan o higit pa bago payagang makapagpatingin man lang. Kailangan pa nilang maghintay ng utos ng korte para magamot ang kanilang mga sakit.

“Nagagalit kami dahil ang mga karaniwang preso, gaya ng mga bilanggong pulitikal na ginigipit ng gobyerno, mamamatay na lang hindi pa dinadala sa ospital. Double standard ng hustisya ang ipinatutupad sa ating bayan,” sinabi ni Guevarra.

Aniya, kitang kita ang kaibahan ng pagtrato ng gobyernong Aquino kay Reyes kumpara sa mga bilanggong pulitikal kagaya nina Andrea Rosal (namatayan ng anak matapos ang mga kahirapang dinanas sa kulungan), Ramon Argente (ibinalik pa ng kulungan matapos i-bypass surgery) at Miradel Torres (dinudugo na’t maselan ang pagbubuntis pero inaresto at diniretso sa bilangguan). Ayon sa Hustisya, may humigit-kulang 50 na bilanggong pulitikal ang matatanda, maysakit at matagal nang nakakulong, na di nakaranas nang gayong pag-aasikaso sa gobyerno.

Sa tingin ng grupo, walang aasahang hustisya ang mamamayan kung pababayaan ang gobyerno sa pagtugis sa mga mandarambong.

“Hindi naman talaga nila tinutugis ang mga mandarambong. Binabaluktot ng gobyernong Aquino ang mga batas at patakaran, basta pabor sa kanilang mga kauri. Tingnan nyo kung paano ipinagtanggol ni Pang. Aquino si Sec. Abad. Tapos bigay-hilig kay Reyes at dinala sa ospital. Madilim ang hustisya para sa mamamayang ninakawan. Taumbayan ang tunay na magpapasya para papanagutin ang mga kriminal at magnanakaw,” panghuli ni Guevarra.

Posted by on July 12, 2014. Filed under Filipino News,Nation,Top Stories. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *