AFP sa Bicol sangkot sa kriminalidad | BICOL TODAY

AFP sa Bicol sangkot sa kriminalidad

Ang naaagnas na bangkay ni Conrado Jesalva na natagpuan sa Barangay Sangat, Gubat, Sorsogon matapos na dukutin at ilibing ng mga pinaghihinalaang kasapi ng AFP noong Marso 7, 2009. Photo courtesy KARAPATAN Sorsogon

SORSOGON CITY – Inihayag ng human rights group KAPAPATAN  ang pagkakasangkot ng ilang kasapi ng Philippine Army sa ilang karumal-dumal na krimen gaya ng panggagahasa, drug trafficking at mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon Bicol.

Ayon sa KARAPATAN, ilan sa kasong ito ang pagkakasangkot sa panggagahasa ng isang nagngangalang Pfc. Hamandre Flores alias “Ryan Alexis” ng 49th Infantry Batallion sa isang menor de edad na babae. Kung saan tatlong kaso ng panggagahasa ang kasalukuyang nakasampa sa piskalya ng Sorsogon laban sa militar na ito. Kasunod nito ang pagkahuli ng isang Cpl. Rommel Gavino ng 83rd Infantry Batallion ng Philippine Army na nakabase sa lalawigan ng Catanduanes dahil sa drug trafficking.

Sa pahayag sa midya ng KARAPATAN, ito an kanilang naging reaksiyon sa patuloy na paninira sa kanila at sa mga progresibong organisasyon ng militar sa pamagitan ng kanilang mga programa sa radyo sa lalawigan ng Sorsogon.

Desperado na ang militar sa lalawigan ng Sorsogon lalo na ang 49th Infantry Battalion sa paulit-ulit na paninira sa KARAPATAN at iba pang mga progresibong organisasyon sa kanilang mga programa sa radyo. Uubusin yata ng mga Philippine Army ang mga istasyon ng radyo sa Sorsogon upang magkalat ng mga kasinungalingan, mga akusasyong walang basehan, at pananakot at pagbabanta sa mga progresibong organisasyon at mga mamamayan, ayon sa KARAPATAN.

Captain Edgar Obenieta, Civil Military Officer 49th IB based in Rangas, Juban, Sorsogon. Contributed Photo

Sinabi pa ng KARAPATAN na wala nang mga isyung maipukol ang mga tagapagsalita ng 49th IB sa mga makabayang organisasyon kaya’t lahat na lang ng marurumi at masasamang gawaing sila mismo ang gumagawa ay pilit na ikinukulapol sa mga makabayang organisasyon dito sa lalawigan ng Sorsogon.

Sinabi pa nito na sa pagbubukas pa lamang ng bago nitong programa sa isang himpilan ng radyo (dzMS-am) dito sa Sorsogon City, walang kahihiyan nitong siniraan ang pangalan ng mga progresibong organisasyon at pilit na ikinakabit ang mga legal at demokratikong organisasyong pangmasa sa New People’s Army (NPA). Gustong lasunin ng AFP ang kaisipan ng mga Sorsoganon imbes na pagtuunan at sagutin nito ang mga isyung kinasasangkutan ng kanilang hanay. Buwis at pera ng bayan ang kanilang ginagasta sa walang kabuluhang programa sa radyo na parang sirang plakang paulit-ulit sa mga isyung walang katuturan”.

Dinagdag pa ng KARAPATAN na labag sa etika ng pamamahayag ang paglalabas ng mga isyu na walang batayan. Hindi kataka-taka ang ganitong istilo ng Philippine Army na sanay maghabi ng kasinungalingan at maghasik ng intriga upang pagtakpan ang mga krimeng kanilang ginagawa tulad ng pagpatay sa kilalang botanist na si Leonard Co at mga kasamahan nito sa Kananga, Leyte.

Ayon pa sa human rights group na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga paglabag sa karapatang pantao at mga krimeng ang may kagagawan ay mga elemento ng Philippine Army. Dito lamang sa lalawigan ng Sorsogon ay 62 na ang biktima ng Extra-Judicial Killings (EJK) mula 2001 hanggang sa kasalukuyan at ibang pang porma ng pang-aabuso gaya ng ilegal na pag-aaresto at paghahalughog, pambubugbug, torture, rape, pagbebenta ng droga at marami pang iba.

Ang nakagapos na si Conrado Jesalva nang matagpuan ang bangkay. Photo courtesy KARAPATAN Sorsogon

Ika-7 ng Marso 2009 sa bayan ng Gubat nang dukutin at ilibing na parang hayop ng mga militar si Conrado Jesalva. Ang maglalati na sina Gerry Doctor at Jose Lustestica ay dinukot sa Maalo, Juban noong Nobyembre 2009 at sinampahan ng kasong illegal possession of firearms ng militar, subalit pinawalang sala ng korte ang dalawa sa gawa-gawang kasong ito, ayon pa sa KARAPATAN.

Ito’y ilan lamang sa mga isyung dapat sagutin ng mga tagapagsalita ng Philippine Army sa mamamayan ng Sorsogon sa halip na gumawa ng mga imbentong kwento para lamang sabuyan ng maruming mantsa ang mga progresibong organisasyon, pagtatapos ng KARAPATAN.

Posted by on January 7, 2011. Filed under Bicol News,Top Stories. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *